KUNG tutuusin, higit na binibigyan ng importansiya ni Mayor Rex Gatchalian ang kapakanan ng mga negosyante sa Valenzuela City kung ihahambing sa ginagawa nitong pagpapahalaga sa kapakanan ng kanyang maliliit na kababayan.
Kesehodang maprehuwisyo pa ang mga residente ng mga naglalakihang pabrika sa Valenzuela, basta ang mahalaga sa kanya ay buwis o kung ano mang tulong ang ibinibigay ng mga negosyante kay Mayor Gatchalian.
Maihahalimbawa natin ang kaso ng CDO na matatagpuan sa barangay Paso de Blas, na hanggang ngayon ay hindi binibigyang solus-yon ni Mayor Gatchalian ang reklamo ng taongbayan hinggil sa mabahong amoy na ibinubuga ng nasabing pabrika.
Mukhang walang pakialam si Gatchalian sa kung ano man ang mangyaring masama sa kalusugan ng mga residenteng nakapaligid sa CDO, at hanggang ngayon ay hinahayaan ng alkalde na makapagbuga ang pabrika ng napakasangsang na amoy na tila nagmumula sa poso negro.
At hindi lang iyon, sa barangay Karuhatan naman ay patuloy rin ang marumi at mabahong usok na ibinubuga ng mga pabrika rito pero dedma pa rin si Mayor Gatchalian. Ganoon din sa barangay Malinta na patuloy ring nagbubuga ng mabaho at maruming usok ang mga pabrika pero walang aksiyong ginagawa si mayor.
At kahit sira-sira na ang kalye sa San Francisco street sa Karuhatan, malapit sa lugar ng Pinalagad, wala ring ginagawang pagsasa-ayos ng mga kalye rito. Ayon sa mga residente, nasisira ang mga kalye dahil sa malalaking trak ng mga pabrika na gumagamit ng kalsada, pero hindi rin inaaksiyonan ni mayor.
Ano rin ang aksiyon ni Mayor Gatchalian sa lubak-lubak na kalye sa G. Marcelo street na nasa barangay Maysan? Kawawa ang mga residente rito na nagtitiiis dumaan sa kalyeng giba-giba.
Prehuwisyong talaga ang malalaking trak na pag-aari ng mga negosyanteng may pabrika sa Valenzuela City lalo na sa mga residente dahil halos inookupahan na nila ang mga kalye. Pati ang mga creek o estero sa Valenzuela City ay patuloy na ring nasira dahil sa mga tubig at kemikal na inilalabas ng mga pabrika.
Bakit hindi umaaksiyon si Mayor Gatchalian sa prehuwisyong idinudulot ng mga irespon-sableng may-ari ng mga pabrika? Ano ang dahilan at hindi masaltik ni mayor ang mga may-ari ng mga pabrikang pasaway?
Totoo bang ang mga give away kapag dumarating ang Christmas season para sa mga empleyado ng Valenzuela City government ay pawang mga produkto ng CDO?
Produktong CDO din ba ang ibinibigay sa mga barangay officials sa Valenzuela City?
Nakalulungkot dahil parang ipinagpalit ni Mayor Gatchalian ang taongbayan sa mga makapangyarihang negosyante sa Valenzuela City. Sana maisip ni Mayor Gatchalian na ang pinahihirapan ng mga ganid na negosyante ang minsang naghalal at nagluklok sa kanya sa kapangyarihan sa Valenzuela City..
SIPAT – Mat Vicencio