HALOS umabot na sa 200 namatay dahil sa dengue ngayong taon, ngunit nananatiling nakatengga sa cold storage ng gobyerno ang dengue vaccine, P1.5 bilyon ang halaga.
Kasama sa mga nakaimbak na mga gamot at bakuna sa cold storage ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang dengvaxia, ang kauna-unahang bakuna kontra dengue sa mundo.
Hindi gamot sa dengue ang dengvaxia, ngunit ayon sa manufacturer nito, maaaring patibayin ng bakuna ang resistensiya sa dengue.
Dahil kada taon ay may namamatay na daan-daang Filipino dahil sa dengue, gumastos ang nakaraang administrasyon ng P3 bilyon para sa vaccine na dengvaxia.
Target mabakunahan ang isang milyong estudyante sa grade 4, siyam taon gulang pataas sa mga pampublikong paaralan sa National Capital Region, Region 3, at Region 4-A. Ito ang mga lugar na naitalang may pinakamataas na kaso ng dengue noong 2015.
Gayonman, wala pang isang milyon ang mga batang naka-enroll, at nasa kalahating milyong magulang lamang ang pumayag sa bakuna, kaya lumalabas na sobra sobra ang biniling dengvaxia kompara sa target na mga bata.