BAGAMAT malayo pa mga ‘igan ang 2019 local at national elections pero ramdam na ang siraan o wasakan, bangayan at babuyan ng mga kandidato.
Gaya sa Quezon City na nasa last term na si incumbent Mayor Herbert ‘Bistek’ Bautista ng Liberal Party habang itinuturing na pinakamalakas na mayoralty aspirant ang kanyang vice mayor na si Joy Belmonte na suportado mismo ni Pangulong Digong Duterte ng ruling PDP–Laban.
Sus anak ng teteng mga ‘igan, hindi pa man ay tila gusto nang i-knockout ni Mayor Bistek si Vice Joy nang iugnay ang ama nitong si dating House Speaker Sonny Belmonte sa nakaprotestang umano’y ‘instant promotion’ na ipinagkaloob ng alkalde sa sinasabing umano’y inaanak ng Kongresistang si Ms. Ma. Michelle Bugarin, sa kabila ng protesta ng mga taong umano’y mas kuwalipikado sa puwestong inagaw nito.
Sus ginoo!
For backgrounder lang po mga ‘igan, ang Civil Service Commission (CSC) ay nagpalabas ng isang kautusan na nag-aatas na sina Ma. Michelle Bugarin at si Engr. Gerardo B. Cabungcal ay hindi dapat malagay sa posisyon dahil sa iba’t ibang kadahilanan at ito namang sina Hyniette Corpuz, Leo Del Rosario at Ma. Corazon Matias, na pawang mga Engineer IV, ay silang karapat-dapat na malagay sa naturang puwesto dahil sa kanilang kuwalipikasyon.
Panalo mga ‘igan, sa 1st round sina Corpus, Del Rosario at Matias dahil sa Civil Service rules na dapat manaig! Ngunit, sa malas ay talo naman sa 2nd round dahil ginamit umano ni Mayor Bistek ang kanyang puwersa at kapangyarihan para maluklok sa puwesto sina Bugarin at Cabungcal. Aba’y sino naman kaya sa kanila ang papalarin?
Maaaring ito ay bahagi ng politika sa Quezon City mga ‘igan, dahil si Mayor Bistek ay nagsilbing bise ni dating Mayor Sonny Belmonte sa loob ng siyam na taon. Sa malakas na endorsement ni Mayor Sonny, siyempre pa, natupad ang pangarap ni ka Bistek na maging alkalde ng siyudad…
He he he…
Ayon sa aking ‘pipit’ na malupit mga ‘igan, sa totoo lang…ito palang si Bugarin ay plano pa uli umanong i-promote ni Mayor Bistek para gawing hepe ng General Services. Wow! Powerful talaga ang puwestong ito! Malalaking kontrata ang hawak ng departamentong ito. Makapangyarihan din ito para gawing regular ang mga empleyadong gusto niya at sibakin ang mga ayaw niya sa puwesto! Ano na bang nangyayari sa Quezon City Hall? Aba Ginoong Maria… ano itong ginawa ni ginoong bistek?
Malamang alam ni Mayor Bistek mga ‘igan na posibleng makasira sa liderato ni Vice Joy kung papaboran ang ‘instant promotion’ nina Bugarin at Cabungcal kaya naman sinalungat nito ang kautusan ng Civil Service Commission. Natural makakaladkad ang pangalan ni Congressman Sonny Belmonte sa kontrobersiyal na isyung ito, lalo pa’t ang mag-amang Belmonte ay sumanib na sa partido ni Pangulong Digong na PDP Laban at inabandona ang dating LP na kinaaaniban nga-yon ni Mayor Bistek.
Sa mga susunod na araw ay sasadyain natin ang chairman mismo ng Civil Service Commission upang alamin ang ‘status’ ng kontrobersiyal na isyung ‘instant promotion’ nitong sina Bugarin at Cabungcal ng Quezon City.
Maniwala kayo masugid kong tagasubaybay, hindi po natin tatantanan ang isyung ito! (Hiniram po natin pansamantala ang laging bukang bibig ni katotong Mike Enriquez ng DZBB).
Abangan…
SANGKOT SA KATARANTADOHAN
SA PLAZA LAWTON, HATULAN NA
DAHIL sa napatunayang katarantadohan ni Punong-Barangay 659-A Ligaya V. Santos ng Lawton, hayun at nahatulang guilty ng Manila Regional Trial Court Branch 41. Ito’y usapin ng kanyang pambababoy at pang-iinsulto sa isang security guard sa dalawang magkahiwalay na pahayagan. Sus ginoo!
E paano na ang isyu umano nitong si Chairman Santos sa usapin sa Plaza Lawton na kanyang nasasakupan bilang barangay chairman?
Aba’y mas grabe ‘igan! Mantakin n’yong ayon sa aking pipit-na-malupit garapalan umano ang kotongan/lagayan d’yan sa Plaza Lawton partikular ang mga illegal terminal at illegal vendors.
Sus, kailan matutuldukan ang katarantadohang ito sa Plaza Lawton? At sino-sinong pulis at opis-yal ng barangay ang mga sangkot dito? Aba’y hatulan na rin ang may sala…
Abangan!
E-mail Add: [email protected]
Mobile Number: 09055159740
BATO-BATO BALANI – ni Johnny Balani