ISA sa dahilan kung bakit nagdeklara ng martial law si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ay upang iligtas sa terorismo ang Mindanao.
Siya mismo ay kinilabutan sa pangitain na siya ay parang si Bashar al- Assad ng Syria.
Ayon kay Patrick Henningsen, Executive Editor ng 21st Century Wire.com, parehong sitwasyon ang kinasadlakan nina Duterte at Syrian President Bashar al-Assad na kapwa anti-US at inatake ng ISIS terrorists ang kani-kanilang bansa.
Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang martial law sa Mindanao, upang pigilan ang plano ng Maute/ISIS na maghasik ng terorismo sa Mindanao gaya nang nagaganap sa Syria sa nakalipas na anim na taon.
Muli niyang inulit ang paliwanag na ito sa kanyang pagbisita sa mga sugatang sundalo sa Cagayan de Oro City at evacuees sa Iligan City.
Ayon kay Pangulong Duterte, ang batas militar ang ginawa niyang kalasag kontra-terorismo na dinala ng ISIS sa Mindanao, na hindi pinigilan sa mga nakalipas na taon.
Interes ng imperyalistang Amerikano sa langis ang pag-usbong ng terorismo na nagpabagsak sa mga bansa sa Gitnang Silangan, ayon sa Pangulo.
“Ang Mindanao ay isang buong bayan. Lahat tayo rito… lakad ito ng mga imperyalista. Kagaya rin sa Middle East. Ang oil ng Arab ang nagpalago ng industrial states. They were using the Arab oil, pagkatapos noong yumaman na sila, sa negosyo lahat, pinaghati-hati nila ang Middle East. Kaya ngayon giyera. Hanggang ngayon. Libya bagsak. Syria bagsak, (invade) ng Amerikano.”
‘Yan ang mariing pahayag ng Pangulo.
Dahil sinisira ng mga terorista ang Marawi kaya kailangang itaboy sila sa pamamagitan ng operasyong militar.
‘Yan din ang ultimong dahilan kung bakit ayaw matulad ni Pangulong Digong kay Bashar al-Assad kaya’t patuloy siyang gumagawa ng paraan para durugin ang iba’t ibang teroristang grupo.