NANGHIHINAYANG sa isa pang oportunidad ang mga atleta ng Philippine Powerlifting Team sa pangunguna ni 18-year old Joan Masangkay – 43kg Junior division at 16-year old Veronica Ompod – 43 kg sub-junior division na pawang world record holder ng Filipinas sa larangan ng sports na Powerlifting dahil hindi sila pinondohan ng PSC (Philippine Sports Commission) para maipadala sa bansang Belarus sa gaganaping 2017 World Classic Powerlifting Championships.
Sinabi ni Masangkay tubong Masbate na nga-yon ay residente sa Quezon City, malaki ang tsansang maiuwi nila ni Veronica Ompod ng Leyte ang kampeonato sa world championships.
“Nalulungkot po kami ni Veronica kasi sa category po namin tig-apat na medalya po ang maiuuwi po namin, ‘yun pong sa Squat competition, Bench Press competition, Deadlift competition, at ‘yun pong sa Total. Malaki po ang tsansa na makapag-uwi kami ng gold medal e talagang pinaghandaan namin nang husto ang laban na ito para sa ating bansa, para kahit paano po ay maibsan din ang lungkot ni President Duterte sa nangyayari ngayon sa ating bansa tulad po ng nangyayaring gulo sa Marawi City. At least po kung makapag-uuwi po kami ng kara-ngalan dito po sa Filipinas ay matutuwa po si President Duterte,” pahayag ni Masangkay.
Nalungkot ang iba pa nilang teammates na sina 17-year old Jeremy Reign Bautista, 57kg sub-junior; 14-year old Jessa Mae Tabuan, 43kg sub-junior; at Leslie Evangelista, 47kg open division na puspusan din ang paghahanda para sa nasabing competition.
Hindi makakaila na isa sa pinakamagaling na sports ng Filipinas sa ngayon ang Powerlifting na noong nakaraang taon ay nakapagtala ng World Record si Masangkay sa 43kg sub-junior division at nakapag-uwi ng isang gold medal sa deadlift at isang Bronze medal sa Squat at ganoon din si Ompod na tumangay rin ng gold medal sa Squat competition at ito lamang nakaraang Abril sa Asian Championships ay nakapag-uwi ang Philippine Powerlifting team ng 18 Golds, 15 Silvers, 25 Bronzes, sa kabuuang 58 medals.