SA pagdiriwang ng ika-119 Araw ng Kalayan kahapon, matagumpay na nailagay ang watawat ng Filipinas sa ilalim ng dagat, sa Philippine Rise (dating Benham Rise), ayon sa tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Natuloy ito (sa Philippine Rise) and mayroon tayong ceremonial event sa barko natin,” pahayag ni AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla.
“[May flag-raising din] sa lahat ng lugar natin sa WPS,” dagdag niya.
Nakalagay ang watawat ng bansa sa isang fiberglass, at itinayo sa lalim na 57 meters ng mga diver mula sa AFP, Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at civilian vo-lunteer.
Sinabi ni Lt. Col. Isagani Nato, Northern Luzon Command spokesperson, isinagawa ang ship deck flag ceremony sa bago at pinakamalaking barko ng Philippine Navy na LD602 BRP Davao Del Sur.
“The activity intends to assert our patriotic ownership of this maritime zone and raise awareness of its strategic value,” ayon kay Nato.
Ang Philippine Rise, dating Benham Rise, ay hindi bahagi ng pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.
Pinaniniwalaan na mayaman ito sa mga lamang-dagat at mineral deposits.
Tinawag itong Philippine Rise, alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte upang bigyan-diin na ang Filipinas ang may karapatan sa naturang bahagi ng karagatan.