MAKABABALIK si 2016 Rio Olympian Mary Joy Tabal sa national training pool, iyon ay kung susunod siya sa mga kondisyon ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA).
Nitong nakaraang linggo, magugunitang inalis si Tabal sa pool dahil aniya sa pagtangging magsanay kasama ang ibang mga atleta ng PATAFA bagkus ay nasa ibang bansa kasama ang mga personal coaches para sa kanyang sariling pagsasanay.
Kasunod nito ay umuwi si Tabal sa Filipinas mula sa kanyang pagsasanay sa Italy para hilingin ang pagbabalik niya sa training pool.
Nakatakdang makilahok si Tabal sa 2017 Southeat Asian Games sa Malaysia sa Agosto ngunti hindi iyon matutuloy kung hindi siya susunod sa mga patakaran, giit ng PATAFA na National Sports Association ng Athletics.
Ilan sa mga kondisyon ang pagpirma ni Tabal sa isang kasunduan na sasailalim siya sa mga patakaran at panuntunan ng PATAFA, at ang pagsasanay sa Manila o Baguio sa ilalim ng national coach.
Kinakailangan maipasa ang liham ng kasunduan hanggang 14 Hunyo dahil sa 15 Hunyo ang pasahan ng pinal na line-up para sa SEA Games.
Ngunit sa kasalukuyan ay nasa Italy si Tabal na personal na naghahanda para sa SEA Games at nakatakdang tumulak pa-Switzerland para sa panibagong 3 linggong pagsasanay.
Matatandaang ang Rio De Janeiro Olympics marathoner na si Tabal ay kagagaling sa kampeonato sa Scotia Bank Ottawa half-marathon sa Canada noong nakaraang linggo.
Iginiit ng kampo ni Tabal na ang pagsasanay sa ibang bansa at makalaban ang top runners sa buong mundo ang magpapalaki ng kaniyang tsansa na magwagi sa SEA Games.
Isa sa kondisyon ng PATAFA ay pagbawi ni Tabal sa reklamong isinampa niya sa Philippine Sports Commission noong Pebrero na nakatakdang dinggin na ng konseho sa 17 Hunyo.
Magugunitang iginiit ng kampo ni Tabal na ang performance ng kanilang manok ang magiging basehan sa pagbabalik sa kanya sa training pool dahil hindi matatawaran ang husay at sipag niya kahit pa hindi nakakasama sa pagsasanay sa bansa. (JBU)