MAAANGHANG na salita ang binitiwan ni Jared Dillinger ilang sandali matapos matalo ang Meralco Bolts sa TNT KaTropa sa kanilang do-or-die Game 3 sa PBA Commissioner’s Cup quarterfinals kamakalawa.
“That was one tough. Hats off to TNT for sticking it out. Beat Ginebra. I cant stand those guys,” matalas na pahayag ni Dillinger sa koponan ng Gin Kings na makasasalpokan ng TNT sa best-of-5 semifinals.
Walang ano-ano ay agad sumagot ang mga manlalaro ng Ginebra tulad nina Joe Devance, Solomon Mercado at Greg Slaughter.
Dahil sa maaanghang na bitaw, agad bumalikwas si Devance at sinabing, “Wow we don’t feel the fond of you either Jared. Congrats to TNT though.”
Dumating sa puntong hinahamon ni Devance si Dillinger sa one-on-one.
Sinundan ito ni Mercado sa pagsagot ng, “That’s not a nice thing to say, Jared,” na may kasama pang thumbs down na emoji.
Mabibigat ang pahayag ni Slaughter: “We got so much more for you to be mad at. Just be patient.”
Kaagad amang sumagot si Dillinger na sabik na siyang makalaro si Slaughter ng Ginebra ulit.
Magugunitang noong nakaraang taon sa Governors’ Cup ay hindi nakalaro dahil sa injury si Dillinger sa kanilang pagkatalo sa Ginebra sa Finals na itinuturing na isa sa pinakadikit na serye sa kasaysayan dahil sa close games at walang tambakan na resulta.
Isinalpak ni Justin Brownlee ang pampanalong tres sa huling segundo upang itulak ang Ginebra sa kampeonato.
Tinalo ng Ginebra ang Meralco sa isang makapigil-hiningang 90-89 sa eliminasyon bago magsimula ang playoffs.
Kung seryoso o katuwaan lang ang patutsadahan ng mga manlalaro, isa lang ang tiyak at iyon ang karibalan na unti-unting umiinit sa pagitan ng Ginebra at Meralco. (JBU)