SI Speaker Pantaleon Alvarez na yata ang maituturing na pinakapalpak at walang kakuwenta-kuwentang lider ng House of Representatives.
Napakalayo ni Alvarez kung ikokompara sa mga nagdaang speaker ng Kamara.
Isa kasing katangian ang kinakailangan para maging matagumpay ang lider na Kamara, at ito ay iyong katagang leadership.
Pero sa pagkatao ni Alvarez, mukhang mailap ang katagang ito, at sa halip ay pagiging burabog at malatuba ang nangingibabaw sa pagkatao ng kasalukuyang speaker ng Kamara.
Hindi pa man nag-iinit ang puwet sa kanyang trono, kaliwa’t kanang kontrobersiya na agad ang sinuong nitong si Alvarez. Maraming kaaway, at pati ang mga kaalyado sa Kamara ay hindi pinalampas sa kagaspangan ng pag-uugali nitong si Alvarez.
Kung ano ang gustong gawin ni Alvarez sa House, kailangang ito ang masunod, at walang dapat na kokontra. Hindi nakaiintindi si Alvarez ng demokrasya kaya hanggang ngayon magulo ang House of Representatives sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Saan ka naman nakakita ng speaker na pati ang kanyang ‘kabit’ ay ipinangangalandakan sa publiko?
Kabastusan ang ginagawa ni Alvarez, at bilang leader ng Kamara ito ay dapat na maging huwaran ng pagiging isang matinong tao.
Ang pinakahuling kapalpakan ni Alvarez ang kanyang panukalang batas na naglalayong buwagin ang Office of Government Corporate Counsel (OGCC) at Presidential Commission on Good Government (PCGG).
Ano na naman ba ang pumasok sa kukote nitong si Alvarez?
At gumatong pa si Solicitor General Jose Calida sa pagsasabing makabubuting mapasa-ilalim na lamang sa kanyang tanggapan ang OGCC at PCGG sakalaing tuluyang mabuwag ang dalawang ahensiya.
Ano kayang meron sa mga tanggapang ito at atat na atat si Calida na makuha ang dalawa?
Pero sinopla kaagad ito ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa pagsasabing ang power at function ng OSG ay nasa ilalim lamang ng Department of Justice, at hindi maaring baguhin dahil makagugulo lamang kung pakikialaman pa niya ang OGCC at PCGG.
Ang government corporate counsel, sa pamumuno ni Philip Jurado ay nagsabing… “Over the years, the OGCC has done its share in protecting the government’s multitrillion-peso assets and equities through its contextualized knowledge of the clients’ needs and its industry awareness.”
Sinabi ni Jurado na “bane to sustained good corporate governance” sakaling buwagin ang OGCC.
Ayon kay Jurado ang pananatili ng OGCC ay malaking tulong sa kasalukuyang pamahalaan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Kung mawawala ang OGCC maaari ngang magulo ang sektor ng GOCC at mababawasan ang kontribusyon nito sa kita ng gobyerno, at mukhang hindi iyon nakikita nitong si Alvarez.
Akala ko, itong si Alvarez lang ang makulit pero pati pala itong si Calida ay nangugulo na rin, at gusto pang makuha ang OGCC at PCGG.
Hoy Calida, ‘wag kang ambisyoso!
SIPAT – Mat Vicencio