MAY 95 subdivision at siyam na barangay sa lungsod ng Parañaque ang makikinabang kapag natapos ang sewer network project (SNP) ng Maynilad sa kahabaan ng Sucat Road, ngayong taon.
Ayon kay Mayor Olivarez, sinigurado sa kanya ng mga opisyales ng Maynilad na ang proyekto ay makatutulong upang mabawasan ang polusyon sa mga ilog na dinadaluyan ng mga dumi at kalat ng tao.
Ang siyudad ng Parañaque ay may 16 na barangay at ang pinakamalaking land area o subdivision ay BF Homes na may population na halos 100,000.
Magmula nang naging munisipalidad ang Parañaque noong 1975, ngayon lang sila magkakaroon ng malinis na inuming tubig na isa sa mga prayoridad ni Olivarez.
Humihingi ng pang-unawa ang alkalde sa mga motorista at pasahero na naiipit dulot ng matinding trapik sa kahabaan ng Sucat Road dahil sa isinasagawang proyekto.
Tiniyak na aabot sa 516, 000 indibidwal ang makikinabang kapag natapos ang proyekto na pinondohan ng Development Bank of the Philippines (DBP) at Japan International Cooperation Agency (JICA) ngayong Oktubre 2017.