TATANGKAING sumikwat ng 40 hanggang 50 ginto ang Filipinas na swak na para sa ikaapat na puwesto o higit pa sa nalalapit na 2017 Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Magpapadala ang Philippine Olympic Committee (POC) sa tulong ng Philippine Sports Commission (PSC) ng 487 atleta para sa 36 sports upang malagpasan ang ika-anim na puwesto ng Filipinas noong 2015 SEAG sa Singapore, ayon sa press conference na ginanap kamakalawa sa PSC, Rizal Memorial Complex sa Pasay City.
Nagbulsa ng 29 ginto, 36 pilak at 66 tanso ang Filipinas para sa kabuuang 131 medalya sa likod ng ikalimang Indonesia (182), ikaapat na Malaysia (186), terserang Vietnam (186), segundang Singapore (259 na may 84 na ginto) at kampeon na Thailand (247 na may 95 na ginto).
Nagpadala ng 466 atleta ang Filpiinas noong 2015 sa Singapore at sa solidong numero ngayon at katiyakan na potential medal winners ang lahat ng nakasama sa final cut ay tiwala ang POC at PSC na aangat ang puwesto ng Filipinas.
Ngunit daraan pa sa huling ebalwasyon bago ilabas ang pinal na line-up sa 10 Hunyo at ipasa sa Malaysia bilang hosts bago magtapos ang Hunyo.
Huling nag-kampeon ang Filipinas noong 2005 SEAG na ginanap sa Maynila na nakaipon ng tumataginting na 113 ginto, 84 pilak at 94 tanso para sa kabuuang 291 medalya mula sa 743 atleta.
Gaganapin ulit sa Filipinas ang susunod na edisyon ng SEAG sa 2019. (JBU)