MULING nabulabog ang isang safe zone sa Marawi City nitong Martes ng umaga nang iulat na may nakalusot na snipers sa lugar.
Nadiskobre ng militar ang mga foxhole o mga hukay sa lupa sa loob ng mga bahay na sinasabing taguan ng grupong Maute.
Higit isang linggo nang itinuring na ligtas ang isang kalsada sa Marawi nang biglang nagdatingan ang mga armored personnel carrier at tangke.
Nang makakuha ng ulat na may mga sumisingit na sniper sa lugar, agad isinara ng militar ang kalsada. Pumuwesto ang mga tropa at pinagbawalan ang sino man na lumapit.
Muling naging danger zone ang kalsadang nadaraanan na noon ng mga rescue unit at media para makarating sa Marawi.
Isa-isang nagtakbohan papasok ang mga tropa sa mga eskinita at muling nagsagawa ng clearing operation sa mga bahay-bahay sa area.
“Indication ang mga gunfire na may mga nakasisingit dito sa mga safe zone. We just have to clear the area again,” ayon kay Lieutenant Colonel Christopher Tampos ng 1st Infantry Division.
Pinasok ng mga militar ang isang eskuwelahan at umakyat para sa posisyon ang mga sundalo sa mataas na lugar upang mas makita ang paligid.
Walang inabot na snipers ngunit nadiskobre ang mga bagong hukay na foxhole sa ilang mga bahay.
Malalim ang hukay at marami ang maaaring magtago sa loob. Sa ganitong paraan umano nakapagtatago ang mga miyembro ng Maute.