SORPRESANG nangunguna sa kasalukuyang PBA Commissioner’s Cup Best Player of the Conference Race si Alex Cabagnot ng San Miguel Beermen, ayon sa opisyal na datos na inilabas ng PBA kamakalawa.
Sa koponang tulad ng SMB na mayroong tulad ng 3-time MVP at Philippine Cup BPC na si JuneMar Fajardo, biglaang hawak ng tinaguriang “Crunchman” ang manibela sa pagtatapos ng eliminasyon matapos gabayan ang Beermen sa 9-2 kartada.
Nagrehistro si Cabagnot ng all-around performance na 15.1 puntos, 6.6 rebounds, 5.4 assists and 1.4 steals kada laro para sa ka-buuang 34.7 statistical points (SPs).
Sumegunda si Stanley Pringle ng Globalport Batang Pier sa kanyang 33.4 SP at tersera si Japeth Aguilar ng Ginebra sa 32.4 SPs. Kinompleto ni Fajardo (32.2 SPs) at Batang Pier Terrence Romeo (31.5 SPs) ang Top 5 na kandidato para sa pinakamataas na parangal ng komperensiya.
Nakasabit sa Top 10 sina Jayson Castro ng TNT (31.3 SPs), Marcio Lassiter (31.2 SPs) at Chris Ross (30.9 SPs) ng San Miguel pa rin, LA Tenorio ng Ginebra (30.2 SPs) at Baser Amer ng Meralco (29.6 SPs).
Samantala, bagamat tatlong laro pa lamang nakasasalang para sa Star Hotshots ay nasa tuktok na agad ng Best Import derby si Ricardo Ratliffe sa likod ng kanyang halimaw na 65.7 SPs na binuno mula sa 34.7 puntos, 21.0 rebounds at 3.3 supalpal.
Ikalawa sa kanya ang nagbabalik na import na si Justin Brownlee ng Ginebra sa 53.5 SPs habang kinompleto nina Greg Smith (52.9 SPs) ng Blackwater, Jameel McKay (47.7 SPs) ng Phoenix at Cory Allen Jefferson (47.4.) ng Alaska ang Top 5.
ni John Bryan Ulanday