INIHAYAG ng Department of Foreign Affairs (DFA), pa-tuloy pa nilang kinokompirma ang kalagayan ng mga Filipino sa England, makaraan sagasaan ng isang van ang mga tao sa London Bridge, at pinagsasaksak ang mga tao sa Borough Market area ng bars at restaurants.
“Our Embassy is closely monitoring the situation and is in touch with the Filipino community in the area to ascertain whether any Filipino is among the casualties,” pahayag ni DFA Robespierre Bolivar.
“So far no information is available on the identities and nationalities of the casualties.”
Ayon sa ulat ng Britain’s Sun newspaper, pito katao ang pinangangambahang namatay at ang dalawang suspek ay binaril at napatay ng mga pulis malapit sa London Bridge, ngunit hindi pa ito kompirmado.
Ayon sa ilang media reports, tinutugis ng mga pulis ang isa pang suspek.
Samantala, sinabi ng London police, sila ay nagpaputok makaraan ang mga ulat ng pananaksak sa kalapit na Borough Market area. Nagresponde sila sa insidenteng naganap sa Vauxhall area sa dakong kanluran, ngunit napag-alaman na hindi ito konektado sa van and knife attacks.
Ang nasabing pag-atake ay ilang araw bago ang eleksiyon sa 8 Hunyo at kulang dalawang linggo makaraan ang pag-atake ng suicide bomber na ikinamatay ng 22 katao sa pop concert ni US singer Ariana Grande sa Manchester sa northern England. Wala pang umaako sa nasabing insidente.
Kaugnay nito, hinikayat ng DFA ang mga Filipino sa London na umiwas munang magtungo sa London Bridge, Borough Market at sa Vauxhall area.