HUGANDONG nagwagi sa laban ang kalahok na si Rochelle na nirendahan ni Jeff Zarate sa Race 1 nung Biyernes sa karerahan ng Sta. Ana Park matapos biguin ang kalaban sanang mahigpit na si Mount Pulag na sa hindi malamang dahilan ay nahuli sa alisan mula sa aparato gayong gamay naman ni Mark Alvarez ? Pero ayon sa mga beteranong klasmeyts natin ay mag-BFF iyang sina Zarate at Alvarez, kabilang din si Louie Balboa na batid na nilang magkakasangga noon pa. Karagdagang kaalaman iyan mga klasmeyts sa ating paglilibang.
Sa kasunod na laban ay hindi na nag-aksaya ng panahon si apprentice rider Jerry Siego sa sakay niyang outstanding favorite na si Battle Hill. Ang nakalaban niya sa unahan na si Lasting Rose ay tila inalalayan lang nung may dala na si John Señido, na pumabor naman upang hindi malutsa ang dala ni Siego. Marami tuloy ang naging malikot ang pag-iisip dahil alam nilang may warning o babala na iyong una kaya umalalay na lamang iyong huli upang hindi makaperwisyo at maging sanhi pa na manalo si kabayo.
Hugandong nanalo sa Race 3 ang kabayong si Kid Bogart na pinatnubayan ni Jommel Lazaro, pumangalawa ang kakuwadra niyang si Teejay’s Gold ni Tanya Navarosa. Pumangatlo ang palaging palaban na si Silver Champ ni John Robinson Bitor.
Buong-buo na rumemate sa kamay ni Jeff Zarate ang dala niyang si Port Angeles sa Race 4 pagsungaw sa rektahan matapos na walang anuman na dinaanan ang nagdikta ng harapan na si Angel Brulay na napuwersa sa malakas na ayre ng hinete niyang si Pipoy Silva. Manmanan ang sunod na pagsali ng mga kabayong sina The Executive at Prodigy na parehong nag-ensayo lang sa tagpong iyan.
Pinilit na maiuna sa laban ni Raffy Landayan ang kanyang sakay na si August Moon sa Race 5, na kahit anong klaseng dikit na gawin pa nung nasa likuran niya na si Big Boy Vito ay nilabanan na ng isa’t-isa ni Raffy ang ayre dahil kalkulado niya na kayang-kaya ni kabayo ang makipag-sabayan kung sa 1,200 meters lang na distansiya ang pag-uusapan.
Malayong nanalo si Zona Libre sa Race 6 matapos na walang dumikit sa kanya sa banderahan, ikanga ay nakasolo ayre at nakapagpahinga sa unahan kaya nakabuo na may natitira pang lakas pagpasok sa huling diretsahan. Sumegundo ang kalaban niyang si Golden Sphinx at tersero si Ruler Of Nation. Ang kalahok na si Spicy Time ay nauna nang napabalita na huwag nang tayaan sa laban dahil walang itatakbong maganda, kaya pagdating sa aktuwal na laban ay imbes na pasulong ay paurong ang nakita sa kanya kahit nagpapakamatay na sa ibabaw si Den Camañero. Marahil ay kinakailangan na ipahinga muna ang nasabing kalahok dahil dalawang beses nang pangit ang kanyang itinakbo, na ikinabigo naman ng maraming mananayang sumuporta at natayaan pa ng malaking halaga. Sana nga kapag may mga kabayong hindi maganda ang ipinapakita ay pagpahingahin muna ng isang buwan pataaas upang hindi makapahamak ng mga mananaya. Sana matanong diyan ang panig ng hinete at maging iyong sota mismo ni Spicy Time.
Naka-gradweyt na sa kanyang maiden assigment ang kabayong si Flash Dance na sinakyan ni Louie Balboa sa Race 7. Marami ang nakapuna sa loob ng huling 200 metro nung laban na parang umawat o nagmenor sa ibabaw ang hineteng si Jeff Zarate habang rumeremate ang kanyang dala na si Geneva. Batid na kasi nung ibang mga mananaya at mga beterano na sa karera na maaari talagang mangyari iyon dahil ang may-ari nung nasa unahan na kalaban niya ay ninong ng anak ni Jeff, na makailang beses nang nakita ng mga mananaya na kinakandong pa ni ninong si inaanak habang nasa karerahan ng Metro Turf. Kaya kahit hindi Pasko ay magbigayan sila.
Sa penultimate race ay malayong nanalo at namigura lang sa ibabaw si apprentice rider Ryan Base sa gamay niyang si Rockaway na nakapagtala pa ng mainam na tiyempong 1:14.0 para sa 1,200 meters na distanisya. At sa huling karera ay nakasilip ng butas sa may tabing balya ang veteran jockey na si Viong Camañero Jr. na naipalusot niya ang kanyang sakay na si Oyster Perpetual habang naliko sa huling kurbada papasok sa rektahan. Malapit na pumangalawa si Drummer Dave na mas nakikitaan ng tapang kapag may nakakatabing kalaban sa takbuhan, habang si King’s Reward ay kalapit din na natersero pagdating sa meta.
REKTA – Fred L. Magno