NAGDEKLARA ang militar ng 4-hour “humanitarian ceasefire” sa lungsod ng Marawi kahapon.
“Inaprobahan po ng ating chief of staff, si General Eduardo Año, ang pagkakaroon ng tinatawag na humanitarian pause para magbigay-daan sa pagbibigay ng tulong at pag-recover sa sino mang nasugatan at ano mang labing andiyan, at doon sa mga taong nagtatawag ng tulong,” ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Brigadier-General Restituto Padilla.
Ang ceasefire ay mula 8:00 am hanggang 12:00 ng tanghali.
“Para ngayong umaga lang po ito. May request na po para sa mas matagalang aabutin ng ilang araw, pero hindi po natin maaaring payagan iyan dahil may inia-address pa po tayong mga threat d’yan sa loob,” pahayag ni Padilla.
Nitong 23 Mayo, ilang araw bago ang pagsisi-mula ng Ramadan, sinalakay ng mga bandidong Maute at Abu Sayyaf ang Marawi nang tangkain ng mga tropa ng gobyerno na dakpin ang terror leader na si Isnilon Hapilon.
Ang nasabing sagupaan ay nagresulta sa pagkamatay ng 120 militants, 38 government forces at 20 civilians, batay sa government records hanggang nitong Sabado.
Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang krisis ay malapit nang matapos ngunit hindi siya nagbigay ng detalye kaugnay sa operational plans.
Aniya, mayroon pang 250 militants sa Marawi, mahigit pa sa 20-30 na namataan ng militar nitong Biyernes.
Sinabi ng mga opisyal, ang mga militanteng mula sa Saudi Arabia, Pakistan, Chechnya at Morocco ay lumahok sa pakikisagupa, nagpatindi sa pangambang pla-nong magtayo ng Islamic State sa Marawi City.
134 sibilyan sinagip
sa 4-hour ceasefire
SINAGIP ng rescuers ang 134 sibilyan na na-trap nang ilang araw bunsod nang patuloy na sagupaan sa ilang bahagi ng Marawi City.
Sinabi ni Dickson Hermoso, Assistant Secretary for Peace and Security Affairs, ang pagsagip ay isinagawa sa 4-hour humanitarian ceasefire na idineklara ng militar dakong umaga kahapon.
“Today, up to 12 noon, we were able to get 134 civilians… This center will remain as long as there are trapped civilians in that district of Marawi,” pahayag ni Hermoso, pinuno ng government team na kabilang sa humanitarian assistance center.
Ang planned rescue ng trapped civilians ay unang natigil makaraan makarinig nang ilang putok ng baril sa ilang lugar sa lungsod sa kabila ng tigil-putukan.
Isang miyembro ng Philippine Marines ang napaulat na nasugatan.
Habang ang iba ay nasagip, ilang sibilyan ay lakas-loob na tumakbo palabas ng battle zone kaya sila nakalabas nang buhay.