GINUHITAN ng UP Fighting Maroons ang dati’y malinis na kartada ng FEU Tamaraws nang manggulat sila sa 71-68 panalo kamakalawa sa Filoil Flying V Pre-season Premier Cup sa San Juan City.
Inakyat ng UP ang 10 puntos na pagkakatambak sa huling mga minuto upang itarak sa FEU ang una nitong talo sa torneo. Tinablahan ng Fighitng Maroons ang kanilang biktima sa ikalawang puwesto sa kartadang 4-1 sa likod lamang ang nangungunang 6-1 Adamson sa Group B.
Sablay man sa unang 9 na tira, walang kabang ibinuslo ni Paul Desiderio ang dalawang kabit na tres kabilang na ang panlamang na bira sa huling 11 segundo para ibigay sa UP ang unahan, 69-68.
Nabitawan ni Arvin Tolentino ang bola sa sumunod na posisyon ng FEU bago naipasok ni Jun Manzo ang lay-up kasabay ng pagtunog ng silbato para selyohan ang panalo.
Naiiwan sa 62-52, nagpakawala ang UP ng 19-6 panapos sa pangunguna ng 12 puntos ni Desiderio. Nag-ambag si Manzo ng 13 puntos at 4 assists.
“Laking pasasalamat ko kay Coach Bo (Perasol) kasi kahit nagmintis ako sa mga unang tira ko. Sabi n’ya palagi ‘pag open ka, itira mo’ kahit mga team mates ko ini-encourage ako kaya nagkakompiyansa ako sa huli,” ani Desiderio sa post-game presser.
Samantala, sa kabila ng turnover sa dulo na may pag-asa pa sanang isalba ng Tamaraws ang panalo, nanguna pa rin para sa kanila si Tolentino sa kanyang 12 puntos.
ni John Bryan Ulanday