HALOS sumabog sa galit ngayon ang mga magsasaka sa Ilocos Norte matapos akusahan ng Kamara ng katiwalian ang mga opisyales ng provincial government hinggil sa paggamit ng pondo mula sa excise tax ng sigarilyong gawa sa lalawigan.
Kamakailan, isang imbestigasyon ang ginawa ng House committee on good government and public accountability na ipinatawag mismo ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas para busisiin ang P66 milyong tobacco fund na umano’y ipinambili ng mga sasakyan para sa mga magsasaka.
Maraming Ilocano ngayon ang nagtataka kung bakit sa kabila nang malaking pakinabang sa mga biniling sasakyang para sa kanilang sakahan, pilit namang sinisilipan ng butas ni Fariñas ang mga opisyal ng provincial capitol.
Hindi pa nakontento, tahasang ipina-contempt ni Fariñas, ang pito niyang kababayang Ilocano na pawang mga opisyal ng Kapitolyo dahil sa hindi pagdalo sa ipinatawag niyang hearing sa Kamara.
Katuwiran ng mga opisyal ng Kapitolyo, huli na nang dumating sa kanila ang imbitasyon ng Kamara kaya hindi sila nakadalo sa pagdinig. Mahaba rin ang kanilang biyahe at may mga edad na rin ang ilan sa kanila.
Pero sarado ang isip nitong si Fariñas; ayaw tumanggap ng katuwiran.
Sa ginawang contempt order ng Kamara, takot na takot ngayon ang pitong empleyado at baka raw sila lalong ‘sabunin’ ni Fariñas. Hindi nila alam ang gagawin dahil sa takot pero pipilitin nilang makadalo sa susunod na pagdinig.
Sa galit ng mga magsasaka sa Ilocos Norte, gusto nilang dalhin ang mga sasakyang ipinagkaloob sa kanila ng provincial government sa harap mismo ng Kamara para ipakita kay Fariñas na maayos at malaki ang tulong sa kanilang pagsasaka ng mga ibinigay na gamit pambukid.
Kaya nga, nagtataka tayo kung ano ba talaga ang motibo sa ipinatawag na imbestigasyon ni Fariñas Ito ba ay dahil may nakikita siyang katiwalian sa hanay ng mga opisyal ng provincial capitol o baka naman ito ay pamomolitika lamang?
Alam ng lahat na nasa last term na ngayon si Fariñas bilang kongresista, at marami ang nakatitiyak na nagpaplano na siya para maipo-sisyon ang sarili, kabilang ang malalapit na mahal sa buhay, sa puwestong tinatarget niya sa Ilocos Norte.
Hindi kaya ang pagpapaimbestigang ginagawa ni Fariñas ay isang paraan para masira ang kasalukuyang gobernador ng Ilocos Norte na si Imee Marcos?
Balak bang tumakbong governor ni Farinas para tuluyang mawala sa poder ang mga Marcos sa Ilocos Norte?
Isa lang ang malinaw, kung pamomolitika man ang ginagawang ito ni Farinas para masira ang mga Marcos sa Ilocos Norte, mukhang mabibigo siya.
SIPAT – Mat Vicencio