MISMONG si President Duterte na ang nag-utos na protektahan ang Benham Rise laban sa poachers at illegal fishers dahil sa atin ang naturang lugar na matatagpuan sa malawak na continental shelf ng Luzon.
Sa katunayan ay inutos ng Pangulo na palitan ang pangalan nito sa Philippine Rise dahil matagal na itong pinangingisdaan ng mga Filipino bago pa ipangalan sa US Navy officer na si Admiral Andrew Benham (1832-1905) ng mga surveyor ng Amerika na nakatuklas dito.
Kahit bahagi ng bansa ang Philippine Rise ay kakompetensiya at minsan ay itinataboy pa ang mga mangingisdang Filipino ng Taiwanese long line fishing boats nang dahil sa tuna, lalo na ang mamahaling Bluefin tuna na nagkakahalaga ng P500,000 bawat isa. Ito ang maliwanag na halimbawa ng mga mandarambong sa dagat.
Bukod diyan ay naulat na nakita rin ang ilang barko ng China na nagsagawa umano ng pagsasaliksik sa lugar sa loob ng tatlong buwan.
Tatlong araw na ginalugad ng Department of Agriculture (DA) na pinamumunuan ni Secretary Manny Piñol, kasama ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang 13 milyong ektarya ng naturang lugar, na nakapaloob sa Philippine exclusive economic zone mula sa baybayin ng lalawigan ng Quezon.
Inulat ng DA chief kay Duterte na ang Philippine Rise ay puwedeng magsilbing susi sa seguridad sa pagkain ng bansa dahil dito nag-iitlog ang maraming malalaking isda.
Agad inaprubahan ng Pangulo ang mungkahi ni Piñol na magtayo ng research facility sa Benham Bank, na pinakamababaw na bahagi ng Philippine Rise na may kabuuang sukat na 25 milyong ektarya.
Ang bilin lang ng Pangulo ay tantiyahin nang husto ang magiging epekto nito sa ekolohiya bago itayo ang estruktura na tatawaging Philippine Rise Conservation and Protection Research Center.
Ayon kay Piñol, ang pasilidad ay magkakaroon ng mga siyentipiko at tagasaliksik na maghahanap ng mga paraan upang maprotektahan ang lugar at hindi ito mapagsamantalahan o mawasak. Magsisilbi rin itong bantay laban sa mga mandarambong sa dagat at ilegal na mangingisda.
Aprubado rin ang pagbili ng mga helicopter na makapagpapatrolya sa gabi at mga drone na makalilipad nang kahit malayuan.
Puwede rin itong madaungan ng mga barko ng Philippine Coast Guard, BFAR at pati ng bangkang pangisda sa lugar.
Magkakaroon ng ice-making plant upang mapanatiling sariwa ang mga isda, himpilan para sa Coast Guard at sariling weather radar station.
Sumasang-ayon ang Firing Line sa mga pagbabagong iminungkahi ni Piñol. Mailalagay ito sa kasaysayan at magsisilbing patunay na atin talaga ang Philippine Rise.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.