ANO na namang kapraningan ang iniisip nitong si Labor Sec. Silvestre Bello III? Hindi porke merong pang-aabusong nagaganap sa hanay ng migrant workers ay ititigil na niya ang deployment ng mga manggagawa sa Middle East.
At ano namang trabaho ang ibibigay ni Bello sa mga manggagawang haharangin niya patungong Middle East, aber? Kahit sabihin pa ni Bello na maraming trabahong mapapasukan ngayon sa Filipinas, alam naman natin na hindi mapapantayan ang sahod na tinatangggap ng mga manggagawa sa abroad kompara sa local employment.
Hindi sagot ang hakbang ni Bello sa kinakaharap na problema ng migrant workers sa Middle East. Ang kailangang gawin ni Bello ay kausapin niya ang kanyang counterpart sa mga bansa sa Middle East at kanyang ilatag ang suliranin ng overseas Filipino workers.
Dapat ay naging hudyat na ni Bello ang ginawang state visit ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte nitong nakaraang buwan sa Middle East at kanyang sinamantala ang paki-kipag-usap sa labor ministers ng nasabing mga bansa.
Lumalabas tuloy sa balakin ni Bello na ang hindi pagpapadala ng mga manggagawa sa Middle East ay dahil na rin sa natatakot siyang matuloy ang pagbubuo ng isang departamento na tututok sa migrant workers.
At ano pa nga naman ang silbi ng Department of OFW kung wala naman migrant workers na babantayan ang bagong departamentong itatag ng pamahalaan ni Digong? Sumobra yata sa utak itong si Bello o praning lang talaga?
Sa halip na bigyan solusyon ang problema ng mga manggagawa sa abroad, iba ang solusyon ni Bello at talagang napakalayo sa realidad kung titingnang mabuti. Hindi wasto ang kanyang gagawin dahil wala namang sapat na trabaho dito sa bansa.
Ano pa nga ba ang maaasahan natin kay Bello na siyang utak nang pagpapalawig ng kontraktuwalisasyon? At hindi ba si Bello rin ang head ng negotiating panel sa NDF na hanggang ngayon ay wala pa ring nangyayari?
Mahaba pa ang kalbaryong dadalhin ng mga mangagawa sa ilalim ng liderato ni Bello. Pero hindi dapat maubusan ng lakas ng loob ang mga obrero para labanan at tapusin ang mga kalokohan ni Bello sa Department of Labor.
Kailangan tuloy-tuloy na magkaisa ang mga manggagawa laban sa mga maling patakarang ipapatupad ni Bello sa Kagawaran ng Paggawa. Mukhang nabili na ang kanyang kaluluwa ng mga kapitalista at ngayon naman gusto niyang patayin ang migrant workers sa pamamagitan ng pagharang sa kanilang trabaho sa abroad.
Itigil na ang kahibangang ito ni Bello.
SIPAT – Mat Vicencio