NAGING ugali na nating mga Filipino na ipangalandakan ang pagiging galak na galak kung binibigyan ng affirmation o pagkilala ng mga dayuhan, lalo na kung kanluranin o westerner, ang ating kilos o causa na parang doon nakasalalay ang kredibilidad ng ating paniniwala o ipinaglalaban.
Nakalulungkot ang ibinubuyangyang na lugod ng mga sinasabing beteranong aktibista nang sang-ayonan ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) ang kanilang posisyon kaugnay sa malawakang pagpatay ng mga sinsasabing adik sa bawal na gamot sa ating bansa. Dangan kasi, mukhang ang pagkaseng iyon ng UNHRC sa kanilang posisyon ay parang rurok na ng tagumpay gayong salita lang ang binitiwan ng mga dayuhan.
Parang mga aso na matapos himasin ng amo ay kumawag-kawag ang buntot.
Hindi ba ninyo napansin na ang isa sa mga bansang sumang-ayon sa posisyon ng mga aktibista kaugnay ng nagaganap na extrajudicial killings sa ating bansa ay pinakamalaking human rights violator ng mundo, na walang kinikilalang BATAS maliban sa kanilang interes at seguridad? Iyan ba ay dapat nating ikatuwa? Milyon-milyong mamamayan ng mundo, kabilang na tayong mga Filipino, ang pinatay ng lahing iyan.
Sang-ayon ang Usaping Bayan na mahalaga ang buhay at dapat igalang at ipaglaban pero huwag na nating ipangalandakan sa mundo ang ating mental coloniality. Kitang-kita sa asal ng maraming aktibista kung gaano kahalaga sa kanila ang affirmation ng mga dayuhan na parang iyon ang sukatan ng pagiging tama ng kanilang causa.
Nasaan ang mga dayuhan na iyan habang dinarahas tayo ng diktadurang Marcos, habang pinahihirapan tayo ng International Monetary Fund at World Bank?
Ang totoo niyan, tama ang isyu ng sambayanan laban sa EJK kahit walang pagkilala na gawin ang UNHRC at tama na ipaglaban natin ang ating mga karapatan.
Kung ibig ng mga dayuhan na tumulong o magpahayag ng suporta, sige at salamat pero dapat malinaw na hindi doon nakasalalay ang pagiging buo ng ating loob sa pakikibakang ito para sa ating karapatan. Huwag nating kalilimutan na kung tutuusin, silang mga dayuhan, lalo na ‘yang mga kanluranin na iyan, ang puno’t dulo ng kawalan ng katarungan sa mundo at sa ating lipunan sa ngayon.
* * *
Obispo ng Iglesia Filipia Independiente (Simbahang Aglipayano) na illegal daw na inaresto ng pulisya hiniling na palayain. Para sa karagdagang detalye ay pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com
Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines at panoorin ang segment nito sa Pinoy Houston TV o Howdy Philippines channel ng YouTube. Salamat po.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maaari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.
USAPING BAYAN – ni REV. NELSON FLORES, Ll.B., MSCK