HALOS isang taon na ang nakararaan pero wala pa rin naipatutupad na mandatory drug test sa hanay ng mga kongresista sa kabila ng resolusyong inihain ni Surigao del Norte Rep. Ace Barbers.
Takot ba ng mga kongresista na sumailalim sa drug test? O, talagang meron lang mga adik na mambabatas sa Congress kaya hindi umuusad ang resolution na inihain ni Barbers?
Nakapagtataka kasi kung bakit sa kabila ng deklarasyon ni House Speaker Pantaleon Alvarez na magsasagawa ng drug test sa Kamara, lalo sa hanay ng mga kongresista, e mukhang nakalimutan na niya ito at hindi nagawang maipatupad.
Ang ibig bang sabihin ay exempted ang mga kongresista sa kampanya ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte laban sa ipinagbabawal na gamot? Ang pagiging legislator ba ay “badge” o ticket para hindi sila sumailalim sa drug testing?
Mukhang hindi naman yata tama ito dahil kung ang mahihirap ay nakukulong at napapatay sa kampanya laban sa droga, bakit sa simpleng drug testing lamang ay hindi magawa ng mga kongresista.
Mismong si Alvarez na rin ang nagsabi na mahalagang sumailalim ang mga mambabatas sa drug test para na rin maging malinis sa ipinagbabawal na gamot at maging maayos ang kanilang trabaho sa paggawa ng mga batas. Bukod dito ay magiging mabuting ehemplo sila ng kani-kanilang constituents.
Kung nagawa noong mga nakaraang Congress na maipa-drug test ang mga mambabatas, bakit tila atubili ngayong ipatupad ito ni Alvarez? Meron ba siyang pinoproteksiyonang kongresista na malapit sa kanya?
Sakali bang dumaan sa mandatory drug testing ang mga mambabatas ay magugulat na lamang tayo na marami pala sa kanila ang lulong sa ipinagbabawal na gamot?
Sa ngayon, maraming kontrobersiyang kinakaharap ang liderato ng Kamara, at lumalabas na marami pa ring panukalang batas ang nabuburo sa mga committee sa kabila na iyon ay pawang priority bills ni Digong.
Maituturing na palpak ang liderato nitong si Alvarez sa Kamara, mula sa pagsasagawa ng batas hanggang sa pagsuporta sa programa ni Digong laban sa ipinagbabawal na gamot.
Hindi pa huli ang lahat, kailangang isulong ni Alvarez ang mandatory drug testing sa mga le-gislator para hindi mapulaang ang kanyang liderato ay hindi sumusuporta sa kampanya ni Digong kontra sa droga.
Hindi rin katuwirang sabihin ng isang congressman na ang mandatory drug testing ay labag sa karapatan ng isang indibiduwal at ma-kabubuti kung gawin ito sa pamamagitan ng vo-luntary drug testing.
Hoy, adik! Kung wala kang itinatago, sasai-lalim ka kahit ano pang klaseng drug testing ‘yan!
SIPAT – Mat Vicencio