MARAMI nang sablay si Chief PNP Bato dela Rosa. Ang nakapagtataka lang ay kung bakit patuloy itong kinokonsinti ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, gayong matingkad pa sa sikat ng araw ang kanyang mga kapalpakan.
At ang pinakahuling kapalpakan nito ang ginawang pagkiling sa mga pulis sa Manila Police District Station 1 sa Raxabago, Tondo, na naglagay ng “secret cell” para roon ikulong na parang mga baboy ang drug suspects.
Wala tayong kuwestiyon sa pagpapakulong sa mga halang na kaluluwang drug suspects, lalo na ‘yung mga nagbebenta nito. Pero ang ikulong sila na masahol pa sa baboy ay hindi na yata talagang makatao, at hindi pa napapatunayan kung sila ba ay guilty o hindi.
Pero anong ginawa nitong si Bato? Ipinagtanggol pa ang sikretong selda. ‘Di bale na raw malabag ng kanyang mga pulis ang karapatan ng mga naroon, basta’t hindi nangingikil o pinag-kakakuwartahan ang mga suspek ay ayos lang.
Anong klaseng pangangatuwiran mayroon si Bato? Bakit napakabilis niyang iabsuwelto ang kanyang mga pulis, gayong hindi pa nauumpisahan ang imbestigasyon sa kanila? Hindi naman siguro mahirap kung manahimik muna siya at hintayin ang imbestigasyon kung may nagawa bang paglabag ang mga pulis niya o wala?
Dapat na sigurong mag-isip-isip si Duterte kung dapat na ba niyang sibakin si Bato.