ISA nga bang minahan ang ahensiya ng Bureau of Fire Protection (BFP) maging ang Bureau of Jail and Penelogy (BJMP)?
Literally, obvious na hindi minahan ang dalawang ahensiya — self explanatory lang po iyan. Pero ba’t kaya maraming opisyal ngayon mula sa BJMP lalo sa BFP ang natataranta at hindi makapakali sa kanilang upuan? Ganoon ba? Bakit kaya?
Paano po kasi, matunog na matunog na magkakaroon ng malawakang balasahan sa dalawang ahensiya. Alam naman ninyo kapag balasahan ang pag-uusapan. Maraming masisibak sa kanilang posisyon – maaaring itapon sa kangkungan o ‘di kaya malagay sa “floating status.”
At iyan ang kinakatakutan ng nakararaming opisyal lalo na iyong mga nakaupo sa tinatawag na “juicy position.” Siyempre, kapag nawala sa “yummy position” awtomatikong butas din ang kanilang butas. Anyway, hindi naman lahat ay humahabol sa yayamaning posisyon. He he he…
Magkakaroon ng malawakang balasahan sa mga susunod na araw dahil — una’y bago na ang Kalihim ng Department of Local Government (DILG) sa katauhan ni Sec. Catalino Cuy.
Si Sec. Cuy ang pansamantalang hahawak sa Public Safety (na isang Undersecreatary dapat ang hahawak). Ang BJMP at BFP ay nasa ilalim ng Public Safety. Kaya, naturalmente gusto ni Cuy na linisin ang dalawang ahensiyang ipinakatiwala (din) sa kanya…mahirap na at baka, siya pa ang masisi kapag nagkataon.
Teka sadya bang marumi ang dalawang ahensiya? Hindi naman kundi, mas maganda na iyong magtrabahong nakasisiguro kaysa naman…
Bukod dito, naging standard operating procedure (SOP) na ang reshuffle kapag may bagong upong opisyal.
Heto ngayon ang nakatatawa, kanya-kanya nang kapaan ng padrino ang ilang opisyal ng BJMP at BFP na natatakot mawalan ng posisyon. Yes, partikular na natatakot ang mga ginagawang ‘minahan’ ang kanilang posisyon.
Sa BFP, hindi lang ilan sa nakaupo (nga-yon) sa juicy position ang natataranta o hindi makapakali sa paghahanap ng padrino para hindi sila galawin ni Cuy kundi maging ang mga nais na makaupo sa yayamaning position sa BFP – tulad ng fire marshal at hepe ng fire safety enforcement section …at comptroller.
Ano kaya ang mayroon sa mga posisyong nabanggit? Minahan ba ito?
Anyway, ilan sa nakaupo ngayon sa juicy position sa BFP maging sa BJMP ay natatakot na magalaw – hindi lamang dahil (siguro) sa mawawalan sila ng position kundi…mawawalan ng — ? Lalo sa mga namuhunan para lamang makuha ang posisyon.
AKSYON AGAD – Almar Danguilan