SA Mayo 1, Araw ng Paggawa, hihilingin ng libo-libong manggagawa kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang pagbibitiw sa puwesto ni Labor Secretary Silvestre Bello III. Sa halos isang taong panunungkulan ni Bello sa Department of Labor (DOLE), bigo siyang maipakita ang kanyang pagkalinga sa mga manggagawa.
Hindi nagawang buwagin ni Bello ang contractualization, at sa halip pinalakas at pinalawig pa niya ito na kapaki-pakinabang sa mga negosyanteng nagmamay-ari ng malalaking kompanya. Sinira ni Bello ang kanyang mga pangako sa mga manggagawa na kanyang ititigil ang kontraktuwalisasyon sa bansa.
Sinungaling si Bello! Kinatigan ni Bello ang interes ng mga negosyante at hindi ang interes ng mga manggagawa.
Ang galit ng mga manggagawa sa Labor Day ay dadagundong para patalsikin si Bello sa kanyang puwesto.
Kailangang pakinggan ni Duterte ang kahilingan ng mga manggagawa na sibakin na si Bello sa kanyang puwesto para tuluyang mabuwag na rin ang contractualization. Sa Araw ng Paggawa, mapapatunayang panig si Duterte sa mga manggagawa kung sisibakin si Bello na itinuturing na tuta ng mga kapitalista.
Sa Mayo 1, Araw ng Paggawa, sabay-sabay ang magiging sigaw ng mga manggagawa: Wakasan ang kontraktuwalisasyon. Bello, magbitiw ka na!