NASAAN ang pangako ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na kanyang wawakasan ang ilegal na sugal sa bansa? Halos isang taon na ang administrasyon ni Duterte pero hanggang ngayon ang kanyang pangakong tatapusin ang ilegal na sugal ay hindi na natupad.
Sa kabila ng puspusang kampanya laban sa ilegal na droga at korupsiyon, mukhang ang kampaya laban sa gambling ay hindi pinagtutuunan ng pansin ng administrasyon ni Duterte. Tuluyang nagka-amnesia ang mga awtoridad pagdating sa ipinagbabawal na sugal.
At ang mga sugal tulad ng jueteng, masiao, karera ng kabayo, loteng at ibang pang uri ng ipinagbabawal na sugal ay malaganap sa bansa, at walang masigasig na kampanyang ginagawa laban dito ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP).
Nakapagtataka kung bakit hindi umaaksiyon si Chief PNP Director General Ronaldo “Bato” Dela Rosa laban sa ipinagbabawal na sugal sa kabila ng patuloy at harap-harapang pamamayapag nito sa mga komunidad sa Metro Manila at mga probinsiya.
Nakalimutan na ba ni Dela Rosa ang daklarasyon niya ng giyera laban sa ilegal na sugal noong nakaraang Pebrero?
Kung ganito ang nangyayari, hindi malayong masabing may malaking perang ibinibigay ang mga gambling lord sa ilang opis-yal ng PNP kapalit ng hindi pagkanti sa mga operasyon ng ilegal gambling sa bansa.