SA pagpasok ng buwan ng Mayo, magsisimula na ang pagtatapos ng one-year ban para sa appointment ng mga natalong kandidato noong nakaraang eleksiyon ng 2016. Ang ibig sabihin, malaya nang makapagtatalaga si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ng mga bagong miyembro ng kanyang gabinete.
Dahil dito, marami sa mga cabinet members ni Duterte ang nagangamba na masisibak sila sa kani-kanilang puwesto sa darating na Mayo. Hindi garantiya na komo naging mahigpit silang supporters ni Duterte noong nakaaang eleksiyon ay hindi na sila sisibakin sa kanilang puwesto.
Pinaniniwalaang ang pagsibak kay DILG Sec. Ismael “Mike” Sueno ay bahagi ng paglilinis ni Duterte sa kanyang administrasyon na nakatakdang pasimulan sa Mayo. Inaasahang sa Mayo ay maraming cabinet members at ilan pang opisyal ang masisibak at papalitan sa kanilang puwesto ng mga kandidatong natalo.
Sinasabing ang pagsibak kay Sueno ay preparasiyon para kay dating MMDA Chairman Francis Tolentino na papalit bilang pinuno ng DILG. May ugong ding si dating Sen. Bongbong Marcos ang papalit kay Labor Sec. Silvestre Bello III at si Sen. Alan Peter Cayetano naman ang itatalaga bilang DFA secretary.
Isa pang lumulutang na papalitan sa kanyang puwesto ay si Customs Commissioner Nicanor Faeldon kabilang na si SBMA Chairman Martin Dino.
Sino naman kaya ang papalit bilang administrator ng POEA at OWWA?
Abangan.