TAMA ang posisyon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na mabuting hindi na magdeklara ang pamahalaan ng unilateral ceasefire kung lalabagin din lamang ng New People’s Army ang sarili nitong tigil-putukan.
Ano nga naman ang saysay ng unilateral ceasefire kung patuloy naman na lalabagin ito ng mga komunistang NPA? Kaya nga tama lang si Digong sa posisyon na magdedeklara lamang ang pamahalaan ng tigil-putukan kung ito ay bilateral.
Ang ibig sabihin ni Digong, ang kampo ng NPA at ng pamahalaaan ay kailangang pumasok sa isang kasunduan na pareho silang sasang-ayon sa isang tigil-putukan. Ibig sabihin, hindi aatake ang gobyerno at NPA laban sa isa’t isa.
Hindi masisisi si Digong sa hindi pagdedeklara ng unilateral ceasefire dahil na rin sa patuloy na pangingikil ng NPA at walang habas na pananambang sa tropa ng pamahalaan.
Anong saysay nga naman ng ceasefire na idedeklara ng NPA kung patuloy naman silang maghahasik ng lagim sa mga kanayunan?
Kung talagang sinsero ang Communist Party of the Philippines na pinamumunuan ni Jose Maria Sison, bakit hindi sila pumasok sa kasunduan para sa isang bilateral ceasefire? Ang problema kasi nitong si Joma, gusto lagi silang nakalalamang sa usapang pangkapayapaan.
Wala nang ginawa yata itong si Joma sa kanyang buhay kundi ang manggulang sa kanyang kapwa! Pero sa ngayon, mukhang hindi umuubra ang kawalanghiyaan niya sa pagharap niya kay Digong.
One step ahead lagi si Digong. Hirap na hirap si Joma kung paano niya ‘paiikutin’ ang government peace panel.Hindi ba’t supalpal sila sa kanilang kahilingang palayain ang lahat ng political prisoners, at ngayon naman gusto nilang magdeklara uli ng unilateral ceasefire ang pamahalaan? Mga gunggong!
Hindi pa ba nahihimasmasan ang mga dogmatikong kaalyado ni Joma na matagal nang laos ang komunismo? Kung matatandaan, halos maubos ang miyembro ng mga makakaliwang grupo dahil na rin sa maling estratehiya at taktika na pilit na ipinatutupad ni Joma noong kasagsagan ng struggle laban sa diktadurang Marcos.
Kaya nga, dapat mag-isip-isip na ang mga dogmatikong komunista at legal fronts nito na sa kalaunan ay tuluyang ibabasura rin ang peace talks. Kung ginagamit ni Joma ang peace talks para sa interes ng kanilang organisasyon, natural na ginagamit din lang sila ni Digong!
Sa ngayon, sa gitna ng usapang pangkapayapaan, asahan natin kung paanong pulbusin ng mga sundalo ang NPA. Kawawa naman ang tinaguriang mga pulang mandirigma na sa simula pa lang ay parang mga robot na pinaglalaruan ni Joma.
SIPAT – Mat Vicencio