NGAYONG tuloy-tuloy na ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Communist Party of the Philippines (CPP), umaasa ang lahat na magiging tapat ang New People’s Army (NPA) sa gagawi nitong deklarasyo na unilateral ceasefire.
Nakadadala na kasi, dahil sa kabila ng pakikipagkasundo sa mga rebeldeng komunista, ang NPA mismo ang kadalasang lumalabag sa idineklarang tigil-putukan. Dapat ay tapat na sumunod ang NPA kung ang pamahalaan ay tumutupad nang maayos sa kanilang idineklarang ceasefire.
Pinakinggan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang pagsusumamo at pagmamakaawa ng CPP na muling bumalik ang pamahalaan sa negotiating table kaya kailangan ay hindi sayangin ang pagkakataong ito ng mga rebeldeng komunista.
Kung tutuusin, maituturing na ‘basura’ ang organisasyon ng mga rebeldeng komunista kaya nga marami ang nagtataka kung bakit pa sila pinatulan ni Duterte sa kabila ng kakarampot na lang nitong kasapian.
Pagkakataon na ito ni CPP Chairman Jose Maria Sison na makipag-usap nang matino sa pamahalaan at itigil na ang mga patraydor na taktika na sisirang muli sa peace talks. Matandang hukluban na si Joma at dapat na umayos na siya sa mga huling sandali ng kanyang buhay.