KAMAKAILAN ipinatupad na ang Oplan Tokhang part 2.
“Reloaded” na nga ang tawag ngayon dito. Isa sa naging kondisyon ng Pangulong Digong sa PNP para muling ipatupad ang kampanya laban sa droga matapos na pansamantala itong ihinto ay paglilinis muna sa hanay ng pulisya.
Partikular na ipinalilinis ng Pangulo kay PNP chief, Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang mga anay sa PNP. Iyong scalawags. Kasabay nang paglilinis sa scalawags (hanggang ngayon) ay pagdedeklara ng giyera laban sa illegal gambling.
Kahit nga kara y krus at tupada ay ipinahuhuli ni Bato sa paniwalang maraming pulis ang patong sa pipitsuging sugalan na ito. Meaning, kung kasali ang sugal lupa, kabilang na rito ang jueteng, video karea, lotteng at bookies ng karera ng kabayo.
Ngayon ipinatupad na ang tokhang part 2, marami na naman ang napapatay na adik at tulak. Ayos ‘yan para tuluyan nang mawala ang mga holdapan, at iba pang krimen sa lansangan. Ang adik at tulak din kasi ang nasa likod nito.
Hindi man matanggap ng iba ang nangyayaring pagpaslang sa mga adik at tulak, higit namang ikinatutuwa ito ng nakararami dahil mas matiwasay na ang maglakad sa mga lansangan ngayon lalo na sa gabi, kaysa noong mga nagkaraang administrasyon na inutil laban sa mga adik at tulak.
Salamat Pangulong Duterte sa seryoso ninyong kampanya laban sa ilegal na droga… at siyempre, saludo din tayo sa PNP sa pagpapatupad ng direktiba.
Sige pa, ubusin ninyo ang mga adik at tulak. Arestohin… at ‘ika nga ni Pangulong Duterte, kapag nanlaban… siyempre, kailangan ipagtanggol ng mga pulis ang kanilang sarili.
Ngunit, ang tanong ay malinis na nga ba ang PNP? Wala na nga bang scalawags? Naitanong natin ito dahil sa ipinatupad na uli ang tokhang.
Well, marahil malinis na o kung may nalalabi pang scalawags, marahil bilang na lamang sa daliri at patuloy itong nililinis ni Bato.
Pero gaano kaya katotoo ang info ng ‘insider’ mula sa Taguig police station na nasa area of responsibility ng Southern Police District (SPD). Totoo kayang nagkalat pa rin ang scalawags sa estasyon ng pulisya?
Ha!?
Partikular na tinukoy ng ‘insider’ ay ilang pulis- Taguig na nagbibigay proteksiyon sa talamak na operasyon ng video karera sa lungsod.
E, si Supt. Ocden, hepe ng Taguig police station, ano naman kaya ang ginagawa niya laban sa mga pulis niyang protektor o scalawag?
Hepe…hepe…’wag tutulog-tulog.
Isang dating pulis na alyas “Jun Paminta” ang hari ng VK sa Taguig ngayon. Malakas ang loob ni pulis Jun Paminta dahil bukod sa dati siyang kolektor (bagman) ng isang dating naging hepe ng Taguig police station, ngayon naman ay kasosyo niya (sa VK) ang isang police official sa Taguig.
Supt. Ocden, sino sa palagay ninyo ang opisyal na kasosyo ni Jun Paminta sa kanyang VK, kaya hindi kayang hulihin ng mga PCP ang nagkalat na VK ni Jun Paminta?
Minsan, pinagkokompiska ng mga tauhan ng isang PCP ang ilan sa makina ni Jun Paminta. Alam ba ninyo kung ano ang naging resulta? Katakot-takot na mura ang inabot ng PCP commander sa kasosyong opisyal ni Paminta. Ipinatapon pa niya sa kangkungan ang dating PCP commander.
Hindi lang VK ang pinatatakbo ni Jun Paminta sa Taguig at ng kasosyo niyang police official kundi maging ang lotteng… at sumasabit pa sa jueteng.
Ang masaklap pa nito, naging tambayan ng mga adik at tulak ang VK.
PNP chief, Gen. Dela Rosa, your attention is badly needed. Hindi lalala ang VK sa Taguig kung walang scalawags. At tila, balewala yata sa Taguig police station ang direktiba ninyo laban sa illegal gambling.
Bale wala nga ba Supt. Ocden? Hindi naman, may mga huli nga si Ocden e.
Ha?!
AKSYON AGAD – Almar Danguilan