NAGKATAON man o natsambahan lang ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagkakaaresto sa isang miyembro (kasabwat) ng teroristang Maute Group na kumikilos sa Metro Manila, hindi na ito dapat pang pag-usa-pan o pagtalunan ang mahalaga ay kalaboso na ang isa sa nagkakanlong sa mga miyembro ng Maute na ipinadala para maghasik ng kaharasan sa Metro Manila.
Hindi po ba iyon ang mahalaga kaysa makapaghasik ng pambobomba ang Maute sa Metro Manila?
Paano kung hindi maaresto si Nasip Ibrahim na tubong Marawi City? Marahil ay lolobo ang bilang ng Maute na darating sa Metro Manila para makapagtago sa lugar ni Ibrahim alyas “Nasip Sarip,” sa No. 31-A Libyan Street, Salaam Compound, Brgy. Culiat, Quezon City.
Hindi lang darami ang bilang ng mga teroristang Maute sa Metro Manila kundi malaki ang posibilidad na mabubuo nila ang mga susunod na plano nilang pambobomba sa MM.
Meaning, sa pagkakaaresto ng QCPD na pinamumunuan ni Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, kay Ibrahim, masasabing malaki ang naitulong nito sa pagsawata ng ano mang pinaplano ng grupo sa MM.
Anyway, marahil hindi lang si Nasip ang nagkakanlong pa sa ilang miyembro ng Maute na nandito sa Metro Manila kundi maaring mayroon pa… at iyan naman ay makukuha din ng QCPD o ng iba’t ibang distrito ng pulisya sa National Capital Region.
Sino ba si Ibrahim na nadakip nitong Marso 20, sa isinagawang pagsalakay ng pinagsanib na puwesra ng QCPD – District Special Operation Unit (DSOU), Talipapa Police Station 3, at Armed Forces of the Philippines?
Sa operasyon, sa bisa ng warrant of arrest, ang target sa bahay ni Ibrahim para ares-tohin ay si Jamil Baja Tawil na hinihinalang miyembro din ng Maute terrorist group.
Si Tawil ay nahaharap sa kasong Illegal possession of firearms, at pinaniniwalaang ikinakanlong ni Nasip. Wala si Tawil sa bahay ni Nasip nang oras na iyon.
Pero sa pagtatanong kay Nasip, pumukaw ng pansin sa mga operatiba ang kalibre .45 na nakapatong sa computer table sa loob ng bahay ni Nasip. Dahil dito, sinita si Ibrahim…wala rin siyang naipakitang dokumento para sa baril. So, meaning illegal possession of firearms ito.
Dahil dito, sa tulong ng Brgy. Culiat officials at Maranao tribal leaders, hinalughog ang bahay ni Ibrahim.
Hayun, narekober sa bahay ang isang KG 9mm sub-machine gun; improvised explosive devised (IED) na may detonation system at isa pang calibre .45 bukod pa sa pitong sachet ng hinihinalang shabu.
Sa imbestigasyon ng QCPD, malaki rin ang naging partisipasyon ni Ibrahim sa tangkang pag-atake o pagbabasabog sa US Embassy sa Roxas Blvd., Manila noong Nobyembre 2016. Si Ibrahim ang driver ng Navy Blue Toyota Revo ( PN XKT 424) na ginamit ng nagtanim umano ng bomba sa harapan ng embahada.
Hayun, mabuti na lamang at pumalpak ang bomba.
Pero ayon kay Eleazar, ang masasabing pinakamalaking partisipasyon ngayon ni Ibrahim sa grupong Maute ay pagkakanlong sa mga miyembro ng grupo na nagtutungo sa Metro Manila.
Dagdag ni Eleazar, lumabas na ginagawang hideout ng mga Maute ang bahay ni Ibrahim.
Kaya ang masasabi natin, ano man ang naging paraan para maaresto at mabukong kasabwat (pala) ng Maute si Ibrahim, ang mahalaga’y napilayan ng QCPD ang Maute sa Metro Manila sa pagkakadakip ng nagkakanlong sa kanila sa Metro Manila para maghasik ng kaharasan.
Patunay ito na laging alerto ang mga opis-yal at tauhan ni Eleazar… laban sa lahat ng masasamang elemento.
Sa inyo Gen. Eleazar, Supt. Rogarth Campo, DSOU chief, at Supt. Danilo Mendoza, Talipapa Police Station 3 chief, sampu ng mga tauhan ninyo, maraming salamat sa inyong katapatan sa paglingkod sa bayan.
Congrats sa matagumpay na operasyon.
Ops, ligtas ang QC Bureau of Fire and Protection ngayon ha… tuwang-tuwa siguro kayo. Abangan na lang ninyo ang susunod sa pasasabugin natin — ano sa palagay mo alyas “Brutus” at alyas “Gorilla” na kapwa ins-pector ng QC-BFP.
Pag-uusapan natin ang daily quota ng isang QC-BFP official sa mga inspector.
AKSYON AGAD – Almar Danguilan