NAGKAMALI ng kalkulasyon ang grupo ng Liberal Party (LP) sa Kamara na hindi sila sisibakin sa kani-kanilang puwesto matapos bumoto ng “no” sa panukalang pagbabalik ng death penalty, na isa sa mga priority bills ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Isa si Rep. Kit Belmonte sa apat na LP congressmen na sinibak ni House Speaker Pantaleon Alvarez. Kasama niyang sinibak sina Rep. Vilma Santos-Recto, Rep. Josephine Ramirez-Sato at Rep. Arlene Kaka Bag-ao.
At sa kabila nang pagkakasibak sa puwesto ng apat na kongresista, hanggang ngayon ay nanatili pa rin silang miyembro ng super majority ng Kamara. Ayaw bumitiw ‘ika nga, at mukhang piniling manahimik at dalhin ang sama ng loob sa kanilang mga sarili.
Nasaan ngayon ang tapang ni Kit? Bilang secretary general ng LP, hindi kailangang manahimik na lamang si Kit. Dapat siyang magpakita ng leadership sa kung anong hakbang ang kanilang gagawin sa pagsibak sa kanila ni Alvarez.
Mukhang nakalimutan ni Kit ang guidance ng amo niyang si dating Pangulong Noynoy Aquino noong magdaos sila ng caucus. Hindi ba buong tapang na sinabi ni Kit na bilin daw sa kanila ni Noynoy na manindigan at ipakitang mayroong boses ang LP sa mga usapin ng kasalukuyang gobyerno? E, bakit tameme ngayon si Kit?
At kung talagang tunay na may paninindigan si Kit, bakit hindi pa siya lumayas sa super majority ng Kamara? Magpakita siya ng ehemplo para tularan ng kanyang kasamahang LP na sinibak sa kanilang puwesto.
Hindi na rin sana hinintay pa ni Kit na sinibak siya ni Alvarez bilang chairman ng committee on land use, at binitiwan na kaagad ang kanyang committee chairmanship matapos siyang bumoto ng “no” sa death penalty bill. Pero hindi, mukhang nagbakasali pa siyang hindi siya gagalawin ni Alvarez sa puwesto.
Ano ang mukhang ihaharap ngayon ni Kit kung mananatili pa siya sa super majority ng Kamara? Wala, hindi ba? Kaya nga, kung ako kay Kit, sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kamara sa Mayo, magbitiw na kaagad siya sa super majority at sumali sa independent minority bloc.
Ito marahil ang nalalabing opsiyon ni Kit para maisalba ang kanyang dignidad bilang kongresista at lider ng LP. Nakahihiyang magpatuloy siyang kasapi ng super majority pero hindi naman siya sumasang-ayon sa mga priority bills ng administrasyong Digong.
Pero hindi natin mapipilit si Kit kung talagang gusto pa rin niyang manatili sa super majority sa kabila nang pagkakasibak niya sa puwesto. Kung meron pa siyang mukhang ihaharap sa kanyang constituents sa 6th district ng Quezon City, nasa kanya na lang ‘yon.
SIPAT – Mat Vicencio