HINDI na kailangang hintayin pa ng anim na kongresista na kabilang sa Liberal Party (LP) na sibakin sila ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa kani-kanilang puwesto nang hindi sila bumoto pabor sa Death Penalty Bill.
Nakahihiyang sa kabila nang pagkontra nila sa Death Penalty bill, kapal mukhang nagawa pa rin nilang manatili bilang kasapi ng super majority. Nasaan ang prinsipyo ng mga mambabatas na kabilang sa LP?
Ang anim na LP representatives na kabilang sa super majority na may hinahawakang puwesto sa Kamara ay sina Rep. Josephine Ramirez-Sato, Rep. Vilma Santos-Recto, Rep. Sitti Dialia Turabin-Hataman, Rep. Arlene ‘Kaka’ Bag-ao, Rep. Kit Belmonte at Rep. Raul del Mar.
Hindi lang tuso kundi magulang ang anim na kongresista na hanggang ngayon ay ayaw pa ring bumitiw sa super majority. Hindi ba nakikinabang sila sa kani-kanilang puwesto kaya ayaw nilang layasan ang kanilang posisyon?
Kung hindi kasi masikmura ng anim na LP congressmen ang priority bills na isinusulong ng House leadership, dapat noon pa lang ay hindi na sila sumama sa super majority. Malinaw na kaya hindi bumibitiw ang anim na LP members ay dahil sa pinakikinabangan nila ang kanilang puwesto sa Kamara.
Kapal!