KAHANGA-HANGA ang ipinamamalas na kampanya ni Environment Secretary Gina Lopez laban sa pagmimina sa bansa. Natatanging siya lamang ang nakapagpasara ng 23 minahan.
Pero ano kaya ang naging pamantayan ni Lopez sa pagpapasara? Naturalmente, may nilabag na batas ang mga minahan. He he he… ipa-sasara ba ang mga iyan kung walang nilabag?
Alam natin na noon pa man ay kilala nang isang environmentalist si Lopez.
Ngunit, sinasabing ilan sa ipinasara ni Lopez ay pumasa sa International Organization for Standardization maliban sa DENR.
Gano’n?
Napaulat na sinabi ni JB Baylon… “It’s the highest standard (ISO). What can be higher than that?”
Kita n’yo naman, pumasa sa international ang 23 minahan pero sa DENR (kay Madame Gina) bagsak sila. Ibig bang sabihin nito ay mas mataas ang standard ni Lopez o ng DENR kaysa ISO?
Mukha nga!
Si Mr. Baylon nga pala ang vice president for corporate communications ng Nickel Asia Corp. (NAC) na nagmamay-ari ng isang open pit mining sa Rio Tuba na matatagpuan sa southern part ng Palawan. Hindi ito kabilang sa mga ipinasara ni Lopez. Ngunit, isang pinatatakbong minahan ng NAC sa Mindanao – sa Hinatuan, Surigao del Norte ay nakapagtatakang hindi nakapasa sa DENR.
Ano pa man, ‘ika ni Madame Gina, ang 23 minahan kabilang ang malalaking kompanya sa bansa o buong Asia ay kanyang ipinasara dahil sa paglabag sa patakaran ng DENR.
“All of the 23 mining firms, which included the biggest companies in the country and in Asia, violated the DENR rules on mine safety and health standards and the implementing rules of the Philippine Mining Act of 1995,” ani Lopez (batay sa ulat).
Ba’t nga ba hindi napabilang sa ipinasara ang minahan sa Rio Tuba?
Simple lang ang maaaring maging kasagutan dito. Malamang na pumasa sa ‘taste’ ni Lopez este, ng DENR pala.
Ang Rio Tuba ay subsidiary ng Nickel Asia Corp. (NAC).
Sa isinagawang inspeksiyon ng DENR sa Rio Tuba, pumasa ito sa patakaran ng DENR… at maituturing na model para sa mga mining operation sa bansa. Maging si Madame Gina (daw) ay napahanga sa Rio Tuba.
Bakit kaya?
“It’s a model for mining operations. I liked it. And
you know it even has a hospital of its own,” pahayag ni Lopez sa isang TV interview.
May sariling hospital? Para kanino? Para sa kaanak lang ba ng mga opisyal ng NAC? Hindi po, kundi para sa lahat – hindi lang para sa opis-yal o manggagawa ng Rio Tuba kundi para sa mga mamamayan (ng mga barangay/bayan) na nakapalibot sa minahan.
Heto pa ang nakatutuwa rito. Libre! Oo libre ang serbisyo sa ospital. Talaga? Hindi lang serbisyo kung hindi maging ang mga gamot. Ang ospital ay may walong (8) doktor at 93 staff. Ayos ha! Wait! Marami pang mayroon dito. May eskuwelahan pa rito, La Salle- supervised school. Umaabot sa 1,400 mag-aaral ang pumapasok mula kinder hanggang Grade 11.
La Salle? Aba’y malamang, napakamahal ng matrikula rito. La Salle ‘yan?! Hindi po, kundi umaabot lang sa P300-P1000 per school year ang matrikula dahil ang NAC ang nagsa-subsidize sa operational expenses ng school.
E, paano iyong mga anak ng mga opisyal at kawani ng NAC? Magadang katanungan iyan ha! Libre po ang tuition fee nila. Hanep! Full scholarship! Diyan na lang nga ako magtatrabaho. Layo naman. Hehehe…ang galing naman. ‘Di na nakapagtataka kung bakit hindi ipinasara ang minahan sa Rio Tuba.
There is more to come mga bro, ‘ika nga! May pabahay pa sa mga indigenous dito – pabahay na matatagpuan sa Sitio Bongkol Bongkol.
Paano naman ang bayaran sa tubig at Meralco este, koryente? Huwag mong sabihing libre rin? Tulad ng katanungan mo, libre nga! Oo, lahat ay mula NAC.
Hindi lamang ito, kundi masasabi na ngang isang komunidad ang lugar – may sariling gasolinahan, supermarket, at iba pa.
Mayroon ding sports complex – nariyan ang basketball, football at tennis courts, golf course, clubhouse con swimming pool, at marami pa.
Habang ang mga lugar na naaapektohan sa pagmimina ay pawang rehabilitated din. Nataniman ng mga puno tulad ng narra, apitong, teak trees at iba pa. May mga gulayan din at fruit-bearing trees.
Uli, tulad ng mga naunang nabanggit, hindi na nakapagtataka kung bakit pumasa ang NAC Tuba Rio sa DENR. Sana ay tularan ng ibang nagpapatakbo ng minahan (ang NAC Rio Tuba) para hindi sila maipasara.
Makikita kasi rito na hindi lamang pangsariling interes ang pagmimina ng NAC sa lugar kundi, inisip din nila ang para sa kapakanan ng mamamayan sa lugar.
AKSYON AGAD – Almar Danguilan