DAPAT aksiyonan na ng Land Transportation and Franchise Board (LFTRB) ang mga operator ng Grab car, dahil hindi na tulad nang dati na nakatitipid nang higit sa metro ng taksi, sa halip ay mistula na rin itong mga holdaper sa kumukuha ng kanilang serbisyo!
***
Mismo ang inyong lingkod ang nakaranas nang mataas na pasahe sa Grab car. Araw ng Lunes, kumuha ako ng Grab car patungong Las Piñas city hall, mula sa Protacio St., Pasay City. Ang nakarehistrong dapat kong bayaran sa pasahe ay P261.00 at dahil coastal road ang daan, ako na ang nagbayad ng toll fee na P24.00.
Isang oras akong tumagal sa Las Piñas city hall, at nang makatanggap ako ng tawag sa aking celfon na may gustong makipag-usap sa akin sa City of Dreams sa isang retaurant sa second floor, kaya minabuti kong muli ay sumakay sa Grab car.
Hindi lumitaw sa rehistro kung magkano ang aking babayaran, kaya tiwala akong sumakay at nagpahatid sa City of Dreams sa Macapagal Ave. Pagsapit sa City of Dreams, ang dapat kong bayaran ay P302.00. Nagulat ako dahil ‘di hamak na mas malayo ang pinanggalingan ko noong papunta pa lamang ako sa City Hall ng Las Piñas, bakit mas mura?
***
Araw ng Martes, muli akong tumawag ng Grab car habang ako ay nasa Pasay Rotonda, patungong Parañaque city hall. Tanda ko pa, noong huli akong nagpahatid sa Grab car sa P’que city hall mula sa aking bahay sa Pasay City ay P220 lamang ang aking binayaran. Nang makita ko na P492.00 ang babayaran ko, nagulat ako sa presyo ng pasahe ko, bigla kong kinausap ang drayber o baba na lang ako.
Sabi ng drayber, bawas na raw siya ng P80.00 dahil sumakay ako, sagot ko sa drayber, kung mababawasan ka mas kawawa ako dahil mas malaki ang abono ko sa dapat na tunay na dapat kong bayaran.
***
Noong bago pa lamang ang Grab car sinubukan ko ito, inisip ko na mas makakamenos ako dahil wala na akong babayarang driver at pakakainin at hindi na ako maggagasolina, pero dahil sa aking naranasan, isa lang ang naisip ko balik-taksi na lamang ako. May metro pa!
Alam ba ito ng LFTRB? Hindi lang holdaper, extortionist pa! Hindi nga ang drayber ang nagpepresyo kundi kusang lumalabas sa account nila, minsan nakasakay ka na bago lilitaw ang presyong babayaran mo sa pasahe!
LFTRB, kasabwat na ba kayo ng Grab car?
***
Masahol pa sa sirang metro ng taksi ang Grab car, kaya panawagan ko sa mga mahilig sumakay sa Grab car, kapag walang lumitaw na presyo ng babayaran ninyo sa pupuntahan ninyo, huwag muna kayong sumakay o ikansel ninyo ang ang inyong request. Baka magaya kayo sa aking karanasan. Sa simula lang pala maganda ang Grab car! Mas maganda ang Grab Taxi, dahil may resibong ibinibigay!
***
Noon sabi nila ang UBER ang mga holdaper, ‘yun pala ang Grab car ang may kostumbreng “grab your money!”
ISUMBONG MO KAY DRAGON LADY – Amor Virata