ANG Free Legal Assistance o FLAG ay isang pambansang samahan ng mga abogado na nakasentro ang pagbibigay ng tulong legal sa mga indibidwal na ang kinasasangkutang mga kaso ay may kinalaman sa paglabag sa karapatang pantao.
Itinatag ang FLAG noong 1974 ni Ka Pepe Diokno. Si Ka Pepe ay isang nationalist, aktibista, senador at nakulong sa ilalim ng batas militar noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Malinaw ang mandato ng FLAG na tanging mga political activist na lumalaban sa estado na walang kakayanang ipagtanggol ang kanilang karapatang legal ang bibigyan tulong ng grupo, lalo kung ito ay kabilang sa sektor ng kabataan, maralitang taga-lungsod, manggagawa, magsasaka at silang iba pang mahihirap sa lipunan.
Pero bakit tinanggap ng FLAG ang kaso ni SPO3 Arthur Lascañas? Si Lascañas, base na mismo sa kanyang pag-amin ay isang mamamatay tao at isa sa lider ng Davao Death Squad (DDS). Sa pagharap sa Senado, idinidiin ngayon ni Lascañas si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na siyang pinuno ng DDS at may pakana ng mga patayan sa Davao City noong siya ay alkalde pa lang.
Ano na ang nangyari sa FLAG? Bakit ipinagtatanggol nito ngayon ang isang notorious killer?
Ano’ng politikal at ideolohikal na paniniwala ang ipinaglalaban ni Lascañas? Aktibista ba siya na lumalaban sa estado?
Hindi ba nakokonsensiya ang chairman ng FLAG na si Jose Manuel “Chepel” Diokno? Kung buhay lang si Ka Pepe, tiyak na hindi papayagan ang kahibangang ito ng kanyang anak na ipagtanggol ang isang taong walang galang sa karapatang pantao.
Ano na rin ang nangyari kay Arno Sanidad?
Bakit pinayagan niyang siya ay magamit nang isang gaya ni Lascañas? Bakit ang killer ng maliliit na tao ang ngayon ay ipinagtatanggol ni Arno?
Nawala na ba ang prinsipyo ni Arno? Una kong nakausap si Arno sa loob ng isang detention cell sa Camp Crame noong reporter pa ako habang pinalalaya si Kumander Bilog ng CPP/NPA.
Nakasalampak kami sa isang gutter habang nag-uusap. Punong-puno ang paghanga ko kay Arno habang nagpapaliwanag sa nangyaring pagpapalaya kay Kumander Bilog.
Kaya nga, kung may natitira pang kahihiyan ang mga abogado ng FLAG na humahawak sa kaso ni Lascañas ay maghunos dili kayo!
Nakahihiya dahil kabaliktaran ang ginagawa ninyo sa prinsipyong pinanghahawakan at pinaniniwalaan ng FLAG.
Hoy, huwag ninyong ipagtanggol ang isang mamamatay tao! Sinisira lang ninyo ang naiwang makabayang alaala ng FLAG.
Hindi ako magtataka kung sa mga susunod na araw, mga serial rapist at plunderer naman ang ipagtatanggol ng FLAG.
SIPAT – Mat Vicencio