PORMAL na inianunsiyo kamakailan ni AFP chief Gen. Eduardo Año ang paglahok ng mga sundalo sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bilang pagsurporta sa bago at pinalakas na kampanya ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte laban sa ipinagbabawal na gamot.
Nangangahulugang tuloy pa rin ang mainit na operasyon laban sa droga sa kabila ng pagbasura sa Oplan Tokhang na pinasimulan ni PNP chief Director General Ronaldo “Bato” dela Rosa.
Aabot sa 500 sundalo ang itatalaga ng AFP sa PDEA bilang pagsuporta sa mga gagawing operasyon ng ahensiya laban sa ilegal na droga. Magiging pangunahing papel ng mga sundalo ay pagtugis sa high-level drug syndicates.
Sa mga susunod na araw, asahang magsisimula na ulit ang sunod-sunod na operasyon ng PDEA kabilang na ang mga sundalo laban sa mga indibiduwal na sangkot sa ipinagbabawal na gamot lalo ang mga bigtime drug lords.
Kaya nga, kung inaakala ng mga adik, pusher at drug lord na balik na uli ang kanilang maliligayang araw matapos ihinto ang Oplan Tokhang ay nagkakamali sila. Hintayin nilang bulabugin sila ng PDEA kasama ang bangis ng mga sundalo.