NAKAMIT ng University of the East ang kanilang inaasam na championship double matapos hablutin ang korona sa men’s at women’s division ng UAAP Season 79 fencing tournament kahapon sa UST Quadricentennial Pavilion Arena.
Kinalawit ng Red Warriors ang gold sa men’s team epee event sa nakulektang 4-2-2 gold-silver-bronze upang kompletuhin ang five-peat at 11th overall.
Giniba ng UE ang University of Santo Tomas (2-2-2) at University of the Philippines (0-2-3).
Magandang despedida para kay Nathaniel Perez ang championship, muling sumikwat ng season MVP award. Ito ang ikatlong pagkilala sa galing ng beterano ng mga international competitions.
Pinakyaw naman ng Lady Warriors ang gold medals sa women’s team epee at sabre events sa final day upang pahabain ang kanilang dominasyon sa 10 seasons.
Sumikwat ang UE ng 4-2-2 haul upang ungusan ang Ateneo na tumapos ng second na may 1-2-3 tally habang tersera ang UST (1-1-1).
Hinirang na season MVP si Andie Ignacio, kauna-unahang Lady Eagle na nanalo sa nasabing pinakamataas na individual award sapul nang manalo ni Victoria Grace Garcia noong 2007.
Si Gerry Hernandez ng UP ang men’s Rookie of the Year. (ARABELA PRINCESS DAWA)