PINAG-UUSAPAN pa rin ng mga karerista ang nangyaring takbuhan nung isang gabi sa pista ng Metro Turf kung saan ay hindi naging katanggap-tanggap sa mga BKs ang nagawa sa kabayong si Indian Warrior ni jockey Mart Gonzales.
Ayon sa mga beteranong klasmeyts na rin natin na nakapanood ay sadyang malaki sana ang panalo ni Indian Warrior kung sa una ay hindi pinaatras-abante nung hinete niya. Tapos kung kailan natanaw na nakalayo na ang nasa unahan na si Jade’s Treasure ni Alan Pare ay saka pa lamang ulit aayuda ang hinete niya na napunta ulit sa ikatlong puwesto.
Pagsungaw sa huling diretsahan ayon sa frontal shot ay kitang-kita na unti-unting lumalapit na naman sa may gawing gitna si Indian Warrior habang nakapormang pirmis pa si Mart sa ibabaw, nung puntong nakapantay at nakaungos na ay walang ano-ano na umupo si Mart sabay batak ng renda kaya napatingala si kabayo.
Huling 50 metro ay nanatiling ganoon lang ang posisyon ni Mart na nakatingala si Indian Warrior, kaya halos hindi na kinilusan pa gayong hindi naman sumisiksik si kabayo. Kaya tuloy ang sigaw ng mga mananaya ay ni hindi man lang ginalawan at nagawan ng paraan na mailagpas.
Naniniwala ang mga apisyunado na talagang patalo at biyahe nga si Indian Warrior, dahil bago pa man itakbo ang penultimate race ay may nakarating na impormasyon na biyahe ang huling dalawang sakay ni Mart na sina Lucky Toni at Indian Warrior, na kanila ring kinompirma nung parada na sa magkahiwalay na karera.
Kaya ang huling naging usapin ay talagang Lucky si Toni dahil ni hindi nakita sa timbangan, pero iyong huli na masusubo pa sana ay tila hindi naawat at naitago dahil isang Warrior, matapang at mandirigmang kabayo. Kaya si Indian Warrior ay kamuntik na masubo.
Sa totoo lang, hindi na pareho isinama ng mga mananaya sa listahan ang huling dalawang sakay ni Mart dahil sa natanggap nilang impormasyon, na nakompirma pa sa parada. Kaya isang karagdagang aral iyan mga klasmeyts na makisagap ng impormasyon at pag-aaralan (isulat) ang makikita ninyo sa parada ng bawat hinete. Okidoks.
REKTA – Fred L. Magno