TUMIGIL na sa operasyon ang isang malaking minahan sa Bulacan, kasunod ng utos mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa pagpapasara ng mga minahan sa bansa.
Ayon sa ulat, nagsimula nang hakutin ng Ore Asia Development and Mining Corporation, ang kanilang heavy equipments o sa Brgy. Camachin, Doña Remedios Trinidad (DRT), sa naturang lalawigan mula noong nakaraang Linggo.
Sa katunayan, ayon sa isang opisyal na ayaw magpabanggit ng pangalan, noon pang Setyembre ng nakaraang taon, tumigil na sila sa operasyon nang maghigpit ang DENR, simula nang maupo sa puwesto si Secretary Gina Lopez.
Kaugnay nito, pabor sa pagpapasara ng minahan ang ilang katutubong Dumagat sa DRT dahil anila, maraming sinira ang nasabing minahan sa kanilang lugar.
Ayon sa mga Dumagat, hindi tumupad ang Ore Asia na bayaran ang mga nasirang puno at gulay na nadaanan ng kalsadang papunta sa minahan, gayondin ang hindi pagtalima sa mga nauna nilang napagkasunduan.
Kasunod nito, nanawagan sa pamahalaan ang mga Dumagat na palitan ng binhi ng cacao ang mga puno at gulay na sinira ng nasabing minahan.
Nananawagan din sila na sana ay tumupad ang Ore Asia sa mga obligasyon sa mga katutubo, kahit ipinasara na ng DENR.
(MICKA BAUTISTA)