NGAYON pa lang, naghahanda na ang mga kalaban ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte para sa isang malaking kilos-protesta sa darating na ika-31 anibersaryo ng EDSA People Power 1.
Magsasama-sama ang mga makakaliwang grupo at mga dilawan ni dating Pangulong Noynoy Aquino para gunitain ang tatlong araw na pag-aalsa noong Pebrero 1986 na nagpatalsik kay yumaong Pangulong Ferdinand Marcos.
Nagtagumpay ang EDSA People Power 1 matapos lumahok ang milyon-milyong Filipino sa isang matagalang demonstrasyon sa kahabaan ng EDSA sa tapat ng kampo Crame na nagsimula noong 22-25 Pebrero.
Marami ang nagsabi na matapos magtagumpay ang EDSA People Power 1, muling nanumbalik daw ang demokrasya sa bansa. Higit sa lahat, ang EDSA People Power 1 ay hindi lang daw tagumpay ng iilan kundi tagumpay ng taongbayan.
Pero ang nakalulungkot, matapos mapatalsik sa kapangyarihan si Marcos at mailuklok naman si dating Pangulong Cory Aquino, pawang hirap at kapighatian na ang idinulot ng kanyang administrasyon sa taongbayan.
Habang namamayagpag ang dilawang kulto ni Cory, hindi makakalimutan ng bayan ang walang tigil na brownout. Napilitan bumili ng kani-kaniyang generator ang maliliit na negosyante para lamang magpatuloy ang kanilang mga hanapbuhay.
Sa halip na makinabang ang maliliit na negosynate, parang mga buwitreng sumulpot ang mga bagong cronies ni Cory na siyang nagpakasasa at nakinabang nang husto sa yaman ng bayan. Nagpatuloy lamang ang paghihirap ng mga manggagawa at magsasaka, at ang mga pangakong kaginhawaan na ibibigay ng Cory government ay nakalimutan na.
Sa panahon ni Cory ay lalong naging mahirap at magulo ang bayan. Nagkaroon ng sunod-sunod na kudeta at ang ipinagmamalaking isdang galunggong ay naging ginto ang presyo sa mga pamilihan.
Parang may sumpa ang gobyerno ni Cory. Nangyari sa kanyang administrasyon ang Mendiola Massacre habang nagpatuloy namang lumakas ang mga rebeldeng grupo sa kanyang panunungkulan.
Basura ang EDSA People Power 1. Walang dapat na ipagdiwang dito.
Pahabol: Binabati natin ang ating mga kaibigan na sina Romeo Gonzales at Pedro Sabado na mga taga- Tandang Sora, Quezon City.
Sina Pareng Romeo at Pareng Pedro ay masugid na tagasubaybay ng diyaryong Hataw. Huwag magkakamaling hamunin sila ni Sen. Manny Pacquiao dahil malamang na ma-knock out siya kung pagbibigyan siya ng dalawang ito.
Mabuhay kayo!
SIPAT – Mat Vicencio