HINDI malaman kung reporter o propagandista itong si Nikko Dizon ng pahayagang Inquirer. Nakagugulat, kahit hindi naman kasi masasabing news ang isang kaganapan itinuturing pa rin niya itong istorya. ‘Ika nga, patol nang patol!
Mantakin ba namang bumisita lang si Vice President Leni Robredo sa isang komunidad sa Tondo at may tumawag na “ang ganda ni Vice!” ay ginawan kaagad ito ng istorya ni Nik-ko? Hindi man lamang humanap ng matinong anggulo si Nikko para meron namang kabuluhan ang coverage niya sa pagpunta ni Leni sa Tondo.
Parang propagandista tuloy ni Leni si Nikko. Sa halip kasing tingnan ang kongkretong naitulong ni Leni sa mahihirap sa Tondo, kung meron man, sa salitang “Vice Ganda” pa sumentro ang istorya ni Nikko.
Bakit hindi niya tinanong si Leni kung meron ba siyang dalang tulong tulad ng de lata o bigas para sa mga taga-Tondo. At puro pangako lang ba ng ginawa ni Leni nang makausap niya ang mahihirap ng Tondo?
‘Di ba mas malaking istorya ‘yun?
RALLY SA ANIBERSARYO
NG MENDIOLA MASSACRE
Sa darating na 22 Enero, Linggo, muling magtitipon-tipon ang mga magsasaka at iba pang grupo sa Mendiola Bridge para magsagawa ng isang kilos-protesta sa ika-30 anibersaryo ng Mendiola Massacre.
Labing tatlong demonstrador ang pinatay ng mga pulis at military, at hanggang ngayon ay wala pa ring katarungang nakakakamit ang mga biktima na tanging hiling sa dating Pangulong Cory Aquino ay tunay na reporma sa lupa.
Kung matatandaan, matapos ang ilang araw na pagkakampo ng mga demonstrador sa harap ng Department of Agrarian Reform, nagpas-yang magmartsa ang mga magsasaka sa pa-ngunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) patungong Mendiola Bridge.
Hapon, dumating ang mga demonstrador sa kanto ng Claro M. Recto at Legarda. At habang papalapit sila sa paanan ng Mendiola Bridge, walang kaabog-abog na sinalubong na lamang sila ng sunod-sunod na putok mula sa mga pistol at riple.
At matapos ang mahabang minutong ingay na nilikha ng mga baril ng mga pulis at militar, tumambad sa harap ng Mendiola Bridge ang 13 katawang duguan at wala nang buhay.
Oo, naroroon ako at saksi nang maganap ang Mendiola Massacre. Tatlumpong taon na ang nakalilipas at hindi pa rin ito mawaglit-waglit sa aking isipan.
SIPAT – Mat Vicencio