MALAMANG na mabigo lamang ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front (NDF) at Philippine government (GPH) kung hindi rin lang sisibakin ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang Chief negotiator nitong si Labor Sec. Silvestre Bello III.
Sinungaling si Bello, kaya hindi dapat pagkatiwalaan ng NDF. Alam ng NDF na gagamitin lamang ni Bello ang kanyang kasanayan sa pagsisinungaling at walang gagawin sa kanyang pakikipag-usap kundi paikutin ang mga usaping kanilang tatalakayin.
Hindi pa ba sapat ang ginawang paghuhudas ni Bello sa mga manggagawa sa usapin ng contractualization? Sa halip kasing kampihan ni Bello ang mga manggagawa, ipinagkanulo niya sa mga kapitalista.
Kung matatandaan, si Bello mismo ang nagsabing ititigil na niya ang contractualization pero hindi niya ito ginawa, at ang masakit nito ay naglabas siya ng Department Order 168 na higit na nagpapatibay sa usapin ng contractualization.
Kaya nga, kung ako sa pamunuan ng NDF, hihilingin ko kay Digong na palitan na niya si Bello at pumili ng isang negosyador na may integridad at hindi isang sinugaling. Walang patutunguhan ang peace talks habang naririyan si Bello para katawanin ang gobyerno ng Filipinas.
Dapat ding manawagan ang mga manggagawa sa NDF at kay Digong na huwag nang payagan si Bello na manatili bilang chief negotiator ng GPH panel dahil wala siyang kredibilidad at naghudas sa mga obrero.
Kailangan ding mag-ingat ang NDF sa negosasyon hinggil sa pagpapalaya sa political prisoners dahil malamang puro pangako at paikot lamang ang gawin ni Bello, at sa kalaunan ay matatanda at may sakit lamang na political prisoners ang irerekomendang palayain ni Bello.
Hindi ba si Bello rin ang chief negotiator para sa gobyerno noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo? Ang tanong, meron bang magandang resultang nangyari sa pakikipag-usap ni Bello sa NDF?
Halos wala, dahil sa halip matigil ang karahasan sa mga kanayunan, lalo lamang dumalas ang ambuscades ng NPA, at lumubha lamang ang giyera sa pagitan ng mga sundalo at mga rebelde.
Sapat nang batayan ang ginawang panloloko ni Bello sa mga mangggawa sa usapin ng contractualization kaya marapat lamang na hilingin ng NDF kay Digong na sibakin siya bilang GPH chief negotiator.
SIPAT – Mat Vicencio