MARAMI pa rin ang hindi maka-get-over sa pagkamatay ng karakter ni Pepe Herrera bilang Benny sa FPJ’s Ang Probinsyano dahil kaliwa’t kanan pa rin ang violent reactions sa social media at iisa ang tanong ng netizens, bakit siya ang namatay, bakit hindi si Joaquin Tuazon (Arjo Atayde)?
Base sa kuwento ni Coco Martin sa ginanap na victory party ng The Super Parental Guardians na kumita ng P598-M noong Martes ng gabi ay si Pepe raw mismo ang humiling na patayin na ang karakter niya dahil sasamahan niya ang kanyang ina na pumunta ng New Zealand.
Walang linaw kung bakasyon lang ang pagpunta nina Pepe at mommy niya sa NZ o for life na kasi ang pagkakaalam namin ay maraming upcoming projects pa ang komedyante kaya sayang naman kung hindi na siya babalik.
Tinext at tinawagan namin si Pepe pero cannot be reach siya, baka naman nakaalis na ng bansa.
Kuwento ni Coco, ”honestly, si Pepe kasi aalis siya papuntang New Zealand kasama iyong mommy niya. And then iyon, nagpaalam nga siya sa amin na kung puwede sana eh i-exit na siya from the show.
“Ang hiniling ko sa kanya noon, sabi ko ‘Benny, bigyan mo lang ako ng pagkakataon. Hindi ko lang maibibigay sa iyo ngayong December pero sabi ko sa second week of January ay gagawan ko ng magandang kuwento iyong exit mo, gawin nating maayos.’
“‘Ayaw ko naman na bigla ka na mawawala roon sa show’. So ayun, maganda naman iyong naging reaksiyon ng mga tao. Siyempre nakalulungkot dahil napakalaking parte ng ‘Ang Probinsyano’ pero na-deserve niya talaga iyong pinaka-best (na ending) dahil napakagaling niyang artista at napakasarap niyang katrabaho.”
Sa madaling salita, ayaw ni Cardo na mawala si Benny sa Ang Probinsyano hanggang magtapos dahil nga sidekick niya at maglilibot pa sila sa apat na sulok ng Pilipinas.
Sa kabilang banda ay apektado rin ang TFC subscribers na nanonood ng FPJ’s Ang Probinsyano na talagang hindi rin nila matanggap na wala na si Benny at mas lalong nagalit sila nang husto kay Joaquin Tuazon at iisa ang tanong, kailan siya papatayin ni Cardo Dalisay?
Masyado namang nagmamadali ang viewers ng FPJAP, eh, magtatagal pa ito dahil magtatago pa si Cardo na pugante na ngayon. Kapag pinatay na si Joaquin, eh, ‘di tapos na ang serye? (Oo nga naman. So, ibig sabihin marami pang kasamaang gagawin si Joaquin ha ha ha—ED)
Abangan na lang ang kuwento ng AP dahil baka sa pagtatago ni Cardo sa iba’t ibang probinsya, eh, makadiskubre siya ng bagong sidekick.
FACT SHEET – Reggee Bonoan