IBANG klase talaga itong si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterete. Sa kabila kasi ng kaliwa’t kanang batikos na tinatanggap ng kanyang administrasyon, lumalabas na suportado pa rin siya ng nakararaming mamamayang Filipino.
Sinabi ko na nga e, dito lang naman talaga sa Metro Manila maingay ang mga kontra sa kasalukuyang administrasyon pero pagda-ting sa mga probinsiya lalo sa Visayas at Min-danao, matunog na matunog pa rin si Digong.
Base kasi sa magkasunod na resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) at Pulse Asia, nakagugulat na nakakuha pa rin si Digong ng excellent rating. Hindi umubra ang ingay ng mga mga grupong dilawan at kaliwa.
Supalpal, ‘ika nga!
Sa resulta ng survey ng Pulse Asia na isinagawa nitong 6-11 Disyembre nitong nakaraang taon, nakakuha ng 83 percent approval rating si Digong at five percent lang ang disapproval rating.
Sinabi mismo ng Pulse Asia na nananatili ang pagkilala ng higit na nakararaming Filipino sa mga nagawa ng administrasyon ni Digong sa kanyang unang anim na buwang panunungkulan.
Sa nauna namang resulta ang SWS, matatandaang nakakuha si Digong ng 63 percent satisfaction rating mula sa 1,500 indibiduwal na tinanong sa survey. Very good na maituturing ang performance ng administrasyong Digong.
Ang nakagugulat pa nito, nakuha niya ang matataas na rating sa kabila nang walang humpay na propaganda ng dilawang grupo ni dating Pangulong Noynoy Aquino at makakaliwang grupo laban kay Digong, hindi ito umepekto at sa halip patuloy na nagtitiwala ang taongbayan sa kanyang liderato.
Kung matatandaan, halos walang tigil ang kampanya ng dilawan at makakaliwang grupo sa usapin ng extrajudicial killings o EJK at pilit na pinalalaki at isinisisi kay Digong ang sunod-sunod na patayan. Pero hindi natinag si Digong at nanatiling malakas ang suporta niya mula sa mamamayang Filipino.
Kasabay ng usapin ng EJK, pinatindi pa lalo ng mga kalaban ni Digong ang kanilang kampanya para siya pasamain sa mata ng publiko. Pilit na pinasasama ang desisyon niya na payagaan na ang pagpapalibing kay dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Pero nganga pa rin sila! Hindi ito pinansin ng taongbayan at sa halip suporta ang ibinigay sa kanya ng mamamayan na hayaan na ang Marcos burial.
Sa pangunguna ni Gov. Imee Marcos ng Ilocos Norte, maraming local official ang sumuporta kay Digong lalo na ang programa kontra sa droga. Magpapatuloy ang gagawing panggugulo ng mga kalaban ni Digong sa politika pero sa itinatakbo ng situwasyon, mukhang mabibigo lamang sila.
SIPAT – Mat Vicencio