Sa mga gustong magtrabaho sa Japan, Mag-ingat sa Freedom 2win Foundation (Attention: TESDA)
Jerry Yap
December 29, 2016
Bulabugin
Kung kayo po ay nangangarap makapagtrabaho sa Japan mag-ingat na magoyo ng Freedom 2win Foundation, isang organisasyon na nag-aalok ng klase para matuto ng Nihongo/Nippongo sa halagang P30,000 sa loob ng dalawang buwan at kalahati (75-day Nihongo/Nippongo class).
Maraming naakit na mag-enrol dahil may boladas ‘este pangako sila na may kontak silang Japaneses businessman na kukuha sa kanila para makapagtrabaho sa factory, restaurants, hotel etc.
Natatapos naman po nila ang klase, natututo naman ang mga nag-i-enrol pero ang malungkot, nalimot na ng estudyante ang mga natutunan na salitang Hapon pero hindi pa rin nare-release ang kanilang certificate.
‘Yung certificate kasi ay isa sa mga requirements ng Japanese Embassy para makakuha ng visa bilang isang overseas Filipino worker (OFW).
Kaya hayun, nakatengga ngayon ‘yung mga nag-enrol sa Freedom 2win Foundation na ang tila vision ‘e “Towards eradicating poverty and hunger thru sustainable livelihood program.”
Ang siste, lalong nalugmok sa gutom, utang at kahirapan ang mga nag-aral sa kanila ng Nihongo kasi nga hindi nila mabigyan ng certification.
Puro pangako at walang maibigay na dahilan kung bakit hindi sila makapag-issue ng certificate?!
Sonabagan!!!
Nananawagan po tayo sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) kung ano ba ang status nitong Freedom 2win Foundation.
Accredited ba nila ‘yang Foundation na ‘yan? Kung accredited nila, bakit hindi makapag-isyu ng certificate sa mga nagtapos sa kanila ng klaseng Nihongo/Nippongo na gumastos ng P30,000?!
Kung hindi naman accredited, aba e dapat umaksiyon ang TESDA para matigil ang panggogoyo ng Freedom 2win Foundation.
Paging TESDA!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap