SINALAKAY ng mga awtoridad ang isang ilegal na pagawaan ng paputok sa Cityland Subd., Brgy. Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulacan dakong 3:00 pm kamakalawa.
Natagpuan sa lugar ang mga mitsa, pulbura, materyales sa paggawa ng paputok, mga gamit sa paggawa, iba’t ibang label ng produkto at daan -daang finished products na kuwitis.
Ayon kay Supt. Raniel Valones, chief of police ng Sta. Maria PNP, nakaabot sa kanyang kaalaman ang operasyon ng ilegal na pagawaan ng paputok habang siya ay nag-iinspeksiyon sa isang drug rehabilitation center sa nabanggit na barangay.
Kinilala ni Valones ang may-ari ng ilegal na pagawaan ng paputok na si Robert Blas, isang senior citizen, at residente sa bayan ng Bocaue, at dalawa pang kasama na sina alyas Jr. at alyas Gal.
Napag-alaman, nagpulasan sa pagtakas ang tatlong kalalakihang gumagawa ng paputok kabilang ang may ari nang makita ang dumarating na mga pulis.
Naiwan sa pagawaan ang isa nilang kasamahang babae na siyang tagabalot ng finished products at ngayon ay iniimbestigahan ng pulisya.
(MICKA BAUTISTA)