TATLONG pasahero at dalawang well-wishers ang grabeng nasaktan nang suyurin ng rumaragasang sports utility vehicle (SUV) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3 nitong Martes ng gabi.
Sa ulat ng Airport Police Department (APD) kahapon, isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang limang biktima matapos suyurin ng Ford Ranger, may plakang AOL-999 na minamaneho ng nagpakilalang doctor na si Agnes Barbosa.
Nabatid sa APD, imbes magpreno si Barbosa, hindi sinasadyang nadiinan ang selinyador na tuloy-tuloy sa mga pedestrian na nag-aabang ng taxi.
Dagdag ng APD, nasa lane ng regular white taxi si Barbosa sa terminal 3 dakong 8:00 pm, kasalukuyang dagsa ang pasahero at well-wishers.
Nilapatan ng first aid sa NAIA medical clinic ang limang nasaktan bago dinala sa Pasay City General Hospital.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Ahmad Heba, bagong dating mula sa Hong Kong; Scott Massey mula sa Cebu; at Edwin Rubei mula sa Cagayan, at ang dalawang well-wishers na sina Greggy Cunayan at Troy Troani.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng APD si Barbosa at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries.
Pinag-iingat ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Ed Monreal ang mga motorista sa pagmamaneho upang hindi maulit ang kagayang insidente.
(GLORIA GALUNO)