SINADYA naming manood ng Pinoy Boyband Superstar, The Grand Reveal na ginanap sa bagong tayong stage sa parking lot ng ABS-CBN Main Building noong Linggo ng gabi.
Grabe ang sigawan na may kasamang padyak ang mga supporter ng PBS na may kanya-kanyang hawak ng streamer at talagang nagtiyagang pumila at tumayo ng ilang oras sa harap ng stage.
Inisip nga namin na hindi kaya naihi na ang mga kababaihang alas kuwatro palang ng hapon ay nakatayo na sa harap ng stage gayung 7:15 p.m. pa nagsimula ang show?
Anyway, nauna nang pinangalanan si Neil Murillo noong Sabado bilang unang nanalo ng Pinoy Boyband Superstar at nag-uwi ng P1-M cash, Yahama motorcycle, at kontrata sa Star Music.
Noong Linggo pagkatapos ng kani-kanilang pagtatanghal ay sina Russel Reyes, Ford Valencia, Tristan Ramirez, at Joao Constancia ang ibinoto ng taumbayan para mabuo ang grupo na tinawag na Boyband PH.
Isa kami sa nanghinayang na hindi nakapasok si Tony Labruska dahil simula pablang ng contest ay nagustuhan na namin siya.
Pero mukhang hindi nagustuhan nina Vice Ganda, Sandara Park, Yeng Constantino, at Aga Muhlach ang kinanta niyang Kulang Ako Kung Wala Ka dahil wala raw kabuhay-buhay at naka-apekto ito dahil natalo ang anak ng aktor na si Boom Labruska.
Nahalata na naming pasok si Joao sa Boyband PH dahil siya ang unang kumanta ng Twerk It Like Miley na hindi man ganoon kaganda ang boses ay idinaan naman niya sa sayaw na sobrang pinuri rin ng mga hurado.
ikatlo si Ford sa awiting Without You na may pinakamalinaw na vocals at naintindihan namin ang lyrics.
ika-apat si Tristan (Can’t Stop The Feeling) na idinaan din sa pagsayaw kahit na medyo akward ang dating kasi nga parang nahuhuli sa tono ang pag-indak niya, nahuli pa nga ng kamera si Yeng na nakakunot ang noo dahil siguro iniisip niya kung ano bang ginagawa ng binata.
Pang Limang kumanta si Mark ng Mangarap Ka na halatang sobrang effort dahil may drama-drama pa kunwari at napuri naman iyon ng mga hurado, pero hindi nag-klik dahil siya ang may pinaka-mababang score.
Hinuli nila si Russel sa awiting All I Ask ni Adelle na sa totoo lang, hindi malinaw ang lyrics dahil parang kinakain nito ang letra, pero grabe sa emote at taas ng tono kaya nadala niya ang mga hurado at binigyan siya ng standing ovation.
Iniendoso pa nga ni Aga si Russel na iboto siya dahil sa maganda nitong performance.
Tulad ni Neil ay tumanggap din ng tig-P1-M, motorsiklo mula sa Yamaha at kontrata sa Star Music sina Tristan, Ford, Russel, at Joao.
Samantala, gandang-ganda kami talaga sa binuong stage para sa PBS Grand Reveal dahil hi-tech at pati mga ilaw ay ang ganda talagang tingnan at buong entablado ay naka-LED kaya ang tanong kaagad namin sa taga-produksiyon ay naka-magkano ang pagpapagawa nila sa venue.
Nakagugulat din ang apat na minutong fireworks at apat na bugang confetti habang kumakanta na ang Boyband PH sa una nilang single na We Made It na isa pang hindi na rin maintindihan ang lyrics at si Tristan ay nawala pa sa tono.
Bulong sa amin ng taga-production ay umabot sa P10-M ang nagastos sa stage kasama na ang fireworks at confetti.
“Halos lahat ng Santo ay tinawag na namin na sana huwag umulan noong Sabado at Linggo kasi nga open air, nakatatakot dahil ‘pag umulan, hindi na magagamit ‘yung buong set, delikado baka magputukan, may makoryente pa. Kaya sobrang stressed lahat sa production,” pagtatapat sa amin.
Babaklasin naman daw ulit ang entablado pagkatapos ng Christmas Party ng buong empleado ng ABS-CBN dahil, “parking lot ‘yun kaya tatanggalin din.”
Binabati namin ang buong PBS Team dahil ang ganda ng show.
Ang kapalit ng PBS ay ang Your Face Sounds Familiar Kids edition na magkakaroon na ng taping sa December 21.
FACT SHEET – Reggee Bonoan