MATAGAL nang hindi nagtaas ang market value sa lupain ang city government ng Quezon City – may dalawang dekada na raw na hindi nabago ang presyohan ng mga lupain sa lungsod na pagbabasehan sa komputasyon ng amilyar o real property tax.
Ang nakapuna sa matagal nang hindi pagtaas ng market value ay mismong Department of Finance (DoF). So, ibig sabihin nito ay malaki na rin ang nawala sa pamahalaang lungsod dahil masyado na rin mababa ang naging komputas-yon para sa amilyar para sa tatlong bracket commercial, industrial at residential.
Sa 21 taon na hindi nabago o walang increase sa market value ng lupain sa lungsod, hindi raw biro ang nawala sa city government – umaabot daw sa P20.3 bilyon ang nawala. ‘Yan ay sa kabila ng ulat na ang Quezon City ang may pinakamataas na nasingil ng tax hindi lamang para sa taong kasalukuyan kundi maging sa mga nagdaang taon. Tinalo na nga ng Kyusi ang Makati.
Sa kasalukuyan, pinag-aaralan na ng city council ng lungsod ang pagtaas sa singil sa pro-perty tax – pumasa na sa first reading ang proposed ordinance para sa increase.
Kapag nakalusot na naman sa second and final reading ang panukala, sa susunod na taon, 2017 ang implementasyon ng dagdag-singil.
Wow, agad-agad ha! Hindi ba puwedeng sa 2018 ang implementasyon para makapaghanda naman ang mamamayan ng lungsod lalo na ang maliliit na mamamayan/residente na may munting residential lot para sa kanilang munting kubo.
Hindi nga puwede kasi malaki na nga ang nawala sa lungsod –P20.3 bilyon na raw. Ganoon ba? E, hindi naman kasalanan ng mamama-yan ng Kyusi ang sinasabing ‘pagkalugi’ ng city government o national government.
Anyway, kung 20 taon nang walang increase sa singilan, e sino ba ang dapat managot, ang kasalukuyang administrasyon ba ng lungsod na minana lang naman sa nagdaang administras-yon?
Sige, huwag nang magturuan kung sino ang dapat sisihin sa sinasabing pagkalugi ng national government through city government, huwag naman sana maging abrupt ang increase sa real property tax para habulin ang P20.3 bilyon at sa halip, hinay-hinay lang, lalo sa mga residential lot.
Hindi lang pala amilyar sa lupa ang tataas kundi maging sa bahay at gusali.
Tsk tsk tsk… buti na lang wala tayong ari-arian sa Kyusi kundi mamumulubi tayo sa pagbabayad ng tax.
Pero alam ba ninyo kung sino-sino ang matutuwa sa plano ng city government na dagdag singil sa amilyar? Ang natatanging kasagutan di-yan ay mga fixer – fixer na hindi mula sa labas kundi mismo sa loob ng city hall. Oo mismong mga kawani rin. Hindi lang basta mga kawani kundi mga suwapang, ganid, magnanakaw na kawani sa city hall. Kaya kapag nakalusot ang ordinansa at tuluyan nang ipatupad ito, kinakailangan magbantay nang husto ang pamunuan ng city hall.
Ang estilo ng tiwali/fixers (na mga kawani mismo ng city hall) kasabwat ang ilang inspectors o kawani ng assessors office ay bababaan ang value ng bahay o gusali upang mababa lang ang babayarang amilyar ng taxpayer sa kondis-yong may kapalit na SOP o ‘save our pocket.’
Halimbawa, kung ang halaga ng bahay ay P4 milyon, palalabasing P2.5 M. Sa naturang halaga ang magiging basehan sa komputasyon ng amilyar imbes P4M. Meaning, may usapan na ang fixer at taxpayer. Hindi lang ito ang mga estilo kundi, kahit hindi pa dapat covered ng depreciation ang isang bahay/gusali, sapilitang pababain ang halaga nito. Uli, upang bumaba ang amilyar. At uli, kita na naman ang fixer dito.
Kailan kumakanan ang mga fixer? Kailan? Dis-yembre na, meaning bayaran na ng amilyar. So, nandiyan na sila ngayon, nagkalat na sila este, hindi pala nagkalat kundi nasa loob lang ng opisina at nag-aabang o sa tabi-tabi lang.E paano sa lupa? Ang sabi iyon daw commercial ay palalabasin nilang residential para mababa ang amilyar. Galing ng mga hunghang ano?
AKSYON AGAD – Almar Danguilan